“LEAVE no stone unturned in bringing to justice the suspect or suspects in the gruesome murder of Senior Assistant City Prosecutor Jovencio Senados.”
Ito ang seryosong direktiba ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila Police District (MPD) makaraang kondenahin ang naganap na pamamaslang kay Senados.
Nagpahayag din ng pakikiramay sa mga naulila ng biktima ang alkalde.
Ayon kay Mayor Isko, ang naganap na pagpaslang kay Senados, sa iallim ng liwanag ng araw, ay malaking insulto sa institusyong kinabibilangan ng biktima na nagtataguyod ng karapatang mamuhay nang maayos at payapa sa gitna ng kalitohang dala ng pandemya.
Sa direktiba ni Isko kay MPD Director P/BGen. Rolando Miranda, sinabi niyang bigyan ng special focus ang pagresolba sa kaso dahil ang naganap na pamamaslang ay posibleng magbigay ng maling mensahe sa mga miyembro ng hudikatura sa kabuuan.
“The brazenness with which the murder was carried out shows that the perpetrators have no respect whatsoever to the institutions in place and this should not go unpunished,” pahayag ng alkalde.
Nabatid, si Mayor Isko ay dedikado rin kontra kriminalidad partikular ang pagbibigay ng insentibo sa pulisya na makahuhuli ng pugante sa batas.
Napag-alaman, alinsunod sa direktiba ng alkalde ay mabilis na bumuo ng Special Task Group si Miranda na tutunton sa mga suspek.
Ayon sa pamangkin at driver ni Senados, nang maganap ang pamamaril ay napansin niya ang isang red Innova na bumubuntot sa kanila habang binabagtas nila ang Skyway mula sa Calamba, Laguna.
Ayon kay Miranda, halatang napag-aralan ng mga suspek ang galaw ng biktima sa araw-araw.
Napag-alaman, ang plaka ng black Mitsubishi Montero na nakita sa CCTV na sinakyan ng gunman ay nakarehistro o pag-aari ng ibang sasakyan.
Inaalam ng pulisya ang mga hinawakang kaso ni Senados kung posibleng may kinalaman sa pagpaslang. (BRIAN BILASANO)