KRITIKAL ang kondisyon ng 62-anyos lalaking positibo sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Siya ang ika-5 sa kompirmadong tinamaan ng COVID-19 infection sa bansa.
Pinangangambahan na magiging mabilis ang pagkalat ng virus sa bansa matapos makompirma na pati ang kanyang maybahay na 59-anyos ay nagpositibo rin sa COVID 19.
Sila ang maliwanag na ebidensiyang mayroon nang “local transmission” ng COVID 19 sa bansa.
Base sa rekomendasyon ni DOH Secretary Francisco Duque III, inaasahang magdedeklara ng state of emergency si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte anomang oras.
Bakit kasi hinintay pa muna ni Duque at ng gobyerno na magkaroon ng kompirmadong kaso ng local transmission kahit alam nila ang nangyayari sa maraming mga bansa ngayon.
Mahigit isang buwan nating kinakalampag gabi-gabi sa ating programa sa radyo ang pamahalaan sa agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan na matulad tayo sa iba na nagulantang sa mabilis na pagkalat ng COVID 19 sa kanilang bansa.
Isa sa gabi-gabi nating sinasabi sa radyo ang pansamantalang pagkansela ng mga klase sa paaralan na ang sabi natin ay gampanan ng local government units (LGUs) – may permiso man ng national government o wala.
Pero maraming magaling sa gobyerno na ang lahat ng bagay ay nadaraan sa satsatan at daldalan.
Kung ano-anong kahambugan ang ipinagmamalaki, kesyo hindi tayo matutulad sa nangyayari sa ibang mga bansa at bilib pa nga raw ang World Health Organization (WHO) sa kakayahan ni Duque na masugpo ang pagkalat ng COVID 19 sa bansa.
Matapos makompirma ang local transmission ay saka ngayon natataranta ang mga opisyal sa pamahalaan pero hindi klaro ang gagawin at tila magsisimula pa lang pag-aralan.
Kahit magdeklara ng State of Emergency si Digong, marami na ang posibleng mahawahan lalo’t walang may kapasidad na matunton kung saan at kanino nakapag-iwan ng virus ang mga positibo sa COVID 19.
Dahil kompirmadong may local transmission na, lahat tayo ay puwedeng ituring ng isa’t isa na suspected positive sa COVID 19.
Bale ba ay walang tinutukoy na pangalan kaya’t wala rin makapagsasabi kung saan nakapag-iwan ng virus ang mag-asawa, kung sino-sino at ilan tao ang kanilang mga nakahalubilo.
Tama lang ang pasiya ng ilang lokal na pamahalaan sa suspensiyon ng klase sa mga paaralan na kanilang nasasakupan.
Responsibilidad ng LGUs na gawing prayoridad ang kanilang constituents, lalo’t ang mga nasa national level ay iresponsable at hindi decisive o hindi makagawa ng wastong disposisyon sa tamang pagkakataon.
Sana ay sundan ng LGUs sa buong bansa ang pagkansela sa klase ng mga mag-aaral sa kanilang lugar tulad ng ginawa ng ilang Metro Manila mayors.
Kung aasa lang ang LGUs sa mabagal na national government na inuuna pang atupagin ang prankisa ng isang network ay siguradong walang mangyayari kaya’t makabubuting magkusa nang umaksiyon ang mga opisyal sa local na pamahalaan.
Mabuti pa nga ang mga ilegal na Philippine Offshore Gambling Operators (POGO) na pinatatakbo ng mga Genuine Intsik (GI) ay naipagtatanggol ni Digong, ‘di po ba?!
Mas prayoridad kasi ng administrasyon ang kapakanan ng mga Intsik dito kompara sa kaligtasan nating mga mamamayan.
Kanya-kanyang ingat na lang ang tanging magagawa nating mga mamamayan sa isang administrasyon na walang malinaw na direksiyon.
Good luck na lang po sa ating lahat sa to whom it may concern na COVID 19!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid