HINDI naging basehan ang “popular choice” sa ikatlong Eddys na ibibigay ng samahan ng mga lehitimong entertainment editors ng mga lehitimong diyaryo sa taong ito. Iyong limang napili nilang best picture nominees ay kinikilala sa kahusayan, pero isa man sa mga iyon ay hindi naging box office hit. Puro sila pasang awa sa takilya.
Pero hindi naman talaga iyong kita ang basehan. Kasi ang kategorya nga ay “best picture” ibig sabihin iyong sa kanilang judgement ay siyang pinakamagandang pelikula sa lahat ng napanood nila. Lahat naman ng may K pinanood nila.
Gayunman, sa katergoryang best actress napansin naming may tatlong sikat ngayong mga artista, sina Kathryn Bernardo, Sarah Geronimo, at Nadine Lustre. Sila ang makakalaban ng mga beteranong sina Gloria Romero, Judy Ann Santos, Angelica Panganiban at iba pa.
Sa best actor, nakasingit ang ngayon ay number one matinee idol na si Daniel Padilla, na siyang makakabangga ng iba pa.
Kung pagbabasehan mo ang nominasyon, sa taong ito, ang Eddys ay desididong ibigay ang kanilang parangal doon sa mga inaakala nilang mahuhusay na pelikula, wala mang commercial value ang mga iyon. Kung tutuusin naman kasi ang dapat tumingin doon sa may commercial value iyong nagbibigay ng award sa box office, na kung minsan nakakapagduda rin.
Ano man ang mangyari, iyan kasing Eddys, iyan ang inirerespetong award ngayon sa industriya dahil sa loob ng tatlong taon, wala pang naririnig na kung ano mang anomalya mula sa kanila. Aba eh, malaking kahihiyan naman kung magkakaroon ng anomalya dahil editors lahat ang mga iyan, at tangay nila pati ang pangalan ng kanilang mga lehitimong diyaryo. Hindi bale sana kung editor lang ng isang diyaryo na ipinambabalot ng tinapa at tuyo sa Divisoria, eh iyong mga diyaryo nila, iyan ang binabasa.
Kaya ano man ang kalabasan niyan, tanggap iyon ng publiko.
HATAWAN!
ni Ed de Leon