NASA homestretch na halos ang kampanya sa nalalapit na eleksiyon. Abala na at kanya-kanya nang diskarte ang mga kandidato para makombinsi ang mga botante sa halalan sa Mayo 13.
Sa Makati, mainit ang laban ng magkapatid na Binay. Pero isa sa mga dapat pagtuunan nang pansin ang Vice Mayor seat. Kumakandidato rito bilang Vice Mayor si Monsour del Rosario na kasalukuyang Congressman ng unang Distrito ng Makati. Kasama siya sa tiket ni Mayor Jun Binay.
Mainit ang pagtanggap ng mga taga-Makati sa kampanya ng Olympian at Chef de Mission ng Philippine Sports Team na si Monsour. “Nakaka-touch na makitang mahal tayo at tinatanggap tayo ng mga tao. Minsan may lalapit at magsasabi sa atin na salamat at hindi natin iniwan ang lungsod. Ang iba naman nagpapasalamat dahil natulungan natin sila. Hindi ko ito makakalimutan. Hindi dapat kalimutan ng mga halal na kandidato na responsibilidad nila ang kapakanan ng bawat tao sa lungsod,” masayang sabi ni Monsour.
Idinagdag din niya na marami siyang gustong gawin pag-upo bilang vice mayor ng Makati. “Pangarap ko na magkaroon ng first class na serbisyo rito sa Makati. ‘Yung hindi na pahihirapan ang mga tao. Hindi ka papapilahin nang pagkahaba-haba para lang sa medical assistance.
“First Class na edukasyon, hindi lang basta bigay nang bigay ng kung ano-ano, kundi sa kalidad mismo. First Class na public facilities. First Class na peace and order! Lahat ‘yan, kayang-kayang gawin. Kung may P18 billion na budget kada taon ang Makati, hindi dapat ganito ang patakbo sa lungsod,” seryosong wika ni Monsour.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio