MAY tumawag sa amin noong Lunes ng hapon at ang tanong, may nangyayari raw bang strike ulit ang mga empleado ng ABS-CBN? Napakarami raw kasing mga tao sa paligid ng network at mukhang nagpi-piket na.
Binuksan namin ang aming radyo at ang naabutan naming sinasabi nila, mapuputol ang kanilang broadcast, kasi maski na ang kanilang mga anchorpersons sa dzMM ay pinalalabas muna ng building dahil sa naganap na lindol. Tama namang safety measures iyon. Kailangan mong siguruhin ang kaligtasan ng mga tauhan mo, lalo na nga’t iyang main building naman ng ABS-CBN ay luma na. Bata pa kami nang ipatayo iyang building na iyan eh. Inayos lang pero basically iyan pa rin ang lumang structure.
Hindi nga nagtagal, naglabasan na sa social media ang mga litrato ng mga empleado nilang kailangang umalis sa building hanggang hindi nasisiguro ang kaligtasan niyon. Pinabalik din naman sila makalipas ang isang oras.
Pero iyong kalaban nilang dzBB, ng GMA 7, tuloy-tuloy lamang ang broadcast. Ganoon din naman ang dzRH at iba pang estasyon.
Sa ganyan kasing mga pagkakataon, ang karaniwang ginagawa nila ay nagsisimula sila agad ng emergency broadcast action.
Mayroon din namang mga luma nang structures pero talagang matibay ang pagkakagawa, kagaya nga nitong National Press Club Building na naroroon din ang office nitong Hataw. Natatandaan namin kung ilang ulit na rin kaming inabot ng malakas na lindol diyan noong araw, mauga talaga dahil sa klase ng ginamit na pundasyon, pero walang nasisira.
Pero ang mahalaga sa mga ganyang sitwasyon, magdasal tayo sa Diyos na hindi naman masyadong maraming kapahamakan ang mangyari.
HATAWAN!
ni Ed de Leon