POSITIBO ang naging reaction ng moviegoers sa pelikulang Stranded ng Regal Entertainment, Inc., na tinatampukan nina Arjo Atayde at Jessy Mendiola. Sa pangkalahatan, naging matagumpay ang ginanap na premiere night nito sa SM Megamall last Monday. Showing na ang pelikula ngayong araw (April 10).
Bukod sa dalawang bida ng pelikula, present sa event ang director ng pelikula na si Ice Idanan, Mother Lily Monteverde, Roselle Monteverde, Gretchen Ho, Mich Liggayu, Jerome Ponce, Direk Reyes, Luis Manzano na very supportive sa GF niyang si Jessy, at ang equally supportive parents ni Arjo na sina Ms. Sylvia Sanchez and Art Atayde, at iba pa.
Sa pelikula, na-stranded sina Spencer (Arjo) at Julia (Jessy) sa building na pinagtatrabahuan ng huli nang abutan sila ng signal no. 4 na bagyo. Ang isang gabing pagsasama nila ay magiging sanhi upang magbago ang takbo ng kanilang buhay, pati na rin ang kanilang respective na pananaw sa buhay.
Naghatid ng kilig sa viewers sina Arjo at Jessy sa pelikulang ito dahil sa kakaibang treatment sa RomCom.
Nagpasalamat naman sina Arjo at Jessy sa mga nagpunta sa kanilang premiere night.
Wika ni Arjo, “Maraming-maraming salamat sa pagsama n’yo sa amin tonight, hopefully you will help us spread the word, Stranded… isang kakaibang pelikula, I guarantee you.”
Pahayag naman ni Jessy, “Sana po buhayin natin ang industriya natin, sana po suportahan natin ang pelikulang Pinoy, sana po suportahan natin ang sariling atin. So, showing na po tayo sa Wednesday… so, please guys support us. Thank you so much for being here tonight, sabay-sabay tayong mag-enjoy sa Stranded.”
Ang Stranded ay Graded B ng Cinema Evaluation Board at Rated PG ng MTRCB.
Tampok din dito sina Miko Raval, Mich Liggayu, Miggy Marty, Pinky Amador, Johnny Revilla at iba pa.
Ito ang first movie ni Gretchen Ho and Direk Ice’s second feature film na ang unang feature film na Sakaling Hindi Makarating (The Amazing Journey of the Letters), ay naging finalist sa Cine Filipino Independent Film Festival noong 2016. Dito’y nanalo ng 7 awards out of 10 nominations ang kanyang pelikula, kasama ang Best Director, Best Cinematography, at 1st runner-up for Best Picture.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio