HINIMOK ni Magdalo Rep. Gary Alejano na harapin ang isyung isiniwalat ng dating opisyal ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group na si Eduardo Acierto imbes atakehin at ibintang sa oposisyon.
Ayon kay Alejano, libo-libo na ang namatay sa war on drugs ng pangulo at dapat nang maimbestigahan.
“Address the issue head on instead of brushing it aside and divert the issue by attacking the messenger at pagbintangan ang oposisyon,” ani Alejano.
“Libo na ang pinatay sa ilalim ng war on drugs marapat lamang na imbestigahan at liwanagin ang napakaseryosong alegasyon na nakaabot na ang alleged drug lords sa Malacañang,” aniya.
Kahapon ibinintang ni Duterte sa oposisyong ‘yellows’ ang paglutang ni Acierto.
Ani Duterte, nasa likod ni Acierto ang mga ‘yellows’ na iniuugnay sa Liberal Party.
Ayon kay Acierto, walang ginawa ang PNP at Malacañang sa intelligence report tungkol sa economic adviser ni Pangulong Duterte na si Michael Yang.
Ayon kay Alejano, nakababahala ang intelligence report na nagdetalye ng pagkakasangkot ni Michael Yang at Allan Lim sa ilegal na kalakalan sa droga at walang ginawa ang Philippine National Police, ang Philippine Drug Enforcement Agency at ang Malacañang.
Ayon sa intelligence report, ang drug laboratory ni Michael Yang sa Davao City, at Allan Lim sa Cavite City ay sinalakay noong 2004 at 2003. (GERRY BALDO)