ISANG bagong development platform para sa mga kuwentong Mindanao ang inilunsad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamamagitan ng Southern Voices Film Lab (SOVOLAB). Nakatuon itong tuklasin ang iba’t iba’t natatanging mga kuwento’t pananaw mula sa Katimugan ng bansa at magbigay ng pagkakataong mas maiayos ang mga ito at maging full-fledged projects.
Ang SOVOLAB, isang intensive script and development lab para sa Mindanaoan filmmakers, ay bukas para sa lahat ng filmmakers mula sa Mindanao na nagde-develop ng kanilang una, pangalawa, at pangatlong feature films. Ang deadline ng pagsusumite ay sa April 12, 2019.
Anim (6) hanggang walong (8) projects sa advanced stage of development ang pipiliin. Sa loob ng walong (8) buwan, ang mapapabilang na filmmakers ay dadalo sa tatlong (3) workshop sessions sa Mindanao. Sasailalim din sila sa mentoring ng international at local experts para mas mapaganda ang kanilang screenplays.
Ang unang session ay gaganapin sa Mayo, ang pangalawang naman ay sa Setyembre, at ang pangatlo ay sa Nobyembre. Kasama sa sessions ang script consulting at talks ng industry experts.
Ang pang-apat at huling session ay ang SOVOLAB Pitch Showcase. Ito ang final pitch ng participants sa Jury at Decision Makers na gaganapin sa Davao City sa Mindanao Film Festival sa Disyembre. Dalawang (2) projects ang tatanggap ng co-production grant na nagkakahalaga ng P1-M.