SI Angel Locsin ang choice ng isang gumawa ng super hero anime na lumabas sa character na kanyang nilikha kung iyon ay isasalin na sa telebisyon o sa pelikula. Siguro noong panahong ginagawa niya ang character, si Angel na ang nasa isip niya, o hinubog niya ang character base sa alam niyang personalidad ni Angel.
Natuwa naman si Angel sa balita pero sinabi niyang tapos na ang panahon na gumagawa siya ng mga super hero characters. Sa TV kasi, ang dami na niyang ganyan. Lumabas siyang Darna, tapos nag-character din siya, si Alwina sa Mulawin. Naging vampire na rin siya sa Lobo. Para siyang si Lara Croft naman sa isa niyang serye noon.
Sa pelikula wala pa siyang role na character. Dapat nga sana iyang hindi matuloy-tuloy na Darna, pero nagkaroon siya ng problema sa kanyang spinal column, at kahit naoperahan na nga sinasabing mahirap nang makipagsapalaran pa na gumawa ng ganoong action film kaya nga naibigay na lang iyon kay Liza Soberano.
Isa iyan sa mga dahilan kung bakit ayaw na ni Angel, dahil siguro sa problema niya sa kanyang likod, pero kung ang sasabihin mo ay hitsura at porma, talagang puwede siya. In fact kung kami nga ang tatanungin, hanggang ngayon naniniwala kami na siya sana ang perfect na maging Darna.
Kung iisipin, hindi na rin naman ganoon kahirap ang mga ganyang pelikula. Ang mahirap noong araw, iyong mga flying scene, kasi ibinibitin talaga ang mga artista, may black backing. Tapos ipinapatong iyon sa mga stock shots para magmukhang lumilipad talaga. Eh ngayon naman, nagagawa na iyan sa computer. Hindi na hirap ang mga artista. Noong araw naalala namin, si Ate Vi (Vilma Santos) mangiyak-ngiyak basta nakabitin na eh. Masakit dahil belt lang ang humahawak sa iyo. Pero basta naman naging hit na ang pelikula, nakalilimutan na nila ang hirap.
Ano nga ba pakialam ng iba?
HATAWAN
ni Ed de Leon