KAILANGAN talagang maging maingat at maging mapanuri ang mga botante kung sino ang kanilang ihahalal lalo sa posisyon ng pagkasenador sa darating na eleksiyon sa 13 Mayo 2019.
Ang mga kandidato ay kailangang mabuting kilatisin, hindi lamang sa kanilang magiging performance bilang mga mambabatas kundi pati na rin ang kanilang pagkatao kung tunay bang masasabing sila ay makamahirap o nasa panig ng simpleng tao.
Alam nating kapag dumarating ang mga pambansang halalan, ang taongbayan ang siyang may higit na kapangyarihan na makapaghalal kung sino ang politiko na nagnanais makapuwesto sa gobyerno.
Kaya nga, sana ay hindi makalimot ang taongbayan sa minsang naging posisyon ni Sen. Cynthia Villar na hindi siya pabor sa ‘unlimited rice’ o ‘unli-rice’ na iniaalok ng mga kainan, fastfood o restaurant sa kanilang mga customer.
Katuwiran nitong si Villar, dapat daw ay itigil na ang ‘unli-rice’ dahil nakasasama ito sa kalusagan at makabubuting i-ban na lamang sa mga restaurant pati na rin sa mga fastfood.
Ang hindi alam ni Villar, ang ‘unli-rice’ ay isang malaking pagkakaton para sa mahihirap na makakain nang marami at tuluyang mabusog ang kumakalam na tiyan kahit na kakunti ang kanilang ulam. Parang isang uri ito ng paghihiganti na makakain nang marami dahil sa napakamahal na presyo ng ulam.
At kahit ubos na ang kanilang ulam, tuloy pa rin ang kanilang order ng ‘unli-rice’ dahil babawi naman sila sa sabaw, patis at toyo na kanilang gagawing pambudbod para sumarap ang kanilang nag-uumapaw na kanin sa pinggan.
Hindi rin tama ang katuwiran ni Villar na ang ‘unli-rice’ ay makasasama sa kalusagan dahil para sa mahihirap, kahit na mabundat sila o sumabog man ang kanilang mga tiyan, isang tagumpay ito para maibsan ang kanilang kagutuman.
Ang mahirap kasi sa bilyonaryong tulad ni Villar, mayroon siyang sinusunod na diet. May sarili pa siyang dietician na nagpaplano ng kanyang kakainin at nagbabantay ng kanyang diet.
Medyo konting tikim ng lamb, beef, turkey at lobster. Hindi tayo magugulat kung ang gulay na kinakain ni Villar ay mamahaling pink lettuce, Yamashita spinach at bonnotte potatoes.
At siyempre pa, ang ‘Almas’ caviar. Ang pinakamahal na caviar sa buong mundo na nagkakahalaga ng $34,500 bawat kilo. Kung susumahin, aabot ito ng P1,725,000.
Nakalulula!
Pero dahil na rin sa mga batikos ng mamamayan, binawi ni Villar ang kanyang naunang posisyon na ayaw niyang isilbi ang ‘unli-rice’ sa mga fastfood at restaurant.
Umatras ang bilyonaryang senador.
Ang nakababahala lang, paano kung isang araw ay maisipan naman ni Villar na ipagbawal ang libreng sabaw sa mga restaurant at fastfood?
Naloko na! Baka magrebolusyon ang taongbayan.
Isa pa ngang sabaw d’yan!
SIPAT
ni Mat Vicencio