PALAGAY namin, katuwaan lang naman iyong pagpo-post ni Aiai delas Alas ng isang sexy picture niya sa kanyang social media account. Hindi naman kami naniniwala na talagang may intensiyon siyang mag-bold talaga. In fact ang caption niya katuwaan din, dahil sabi niya “sinabi ko na gagayahin ko ito,” at ipinakita rin niya ang isang sexy pic na ginaya niya.
Si Aiai ay isang komedyante. Kaya kung minsan iisipin mo na baka naman may mga bagay na ginagawa niya para magpatawa. Maaaring hindi naman niya sinasadya, pero karaniwan na sa kanya iyong magpatawa kahit na hindi talaga plano. Eh comedian nga iyong tao eh.
Noong lumabas iyong kanyang post na iyon, dahil alam naman ninyo open to the public ang social media. May nag-comment na mukhang wala iyon sa ayos dahil si Aiai ay isa pa namang “papal awardee”. Sinagot naman siya ni Aiai na binigyan siya ng pagkilala ng simbahan dahil sa kanyang puso at hindi dahil sa kung ano pa man. Slammed iyong nag-comment, dahil parang sinabi sa kanyang wala siyang pakialam.
Tama si Aiai, walang may pakialam sa kanyang social media account kung ano man ang ilabas niya, after all sa kanya iyon. Personal niya iyon, at kung ano man ang ilabas niya roon, bahala siya.
Pero siguro hindi naman sa nakikialam ang nag-comment. Ni hindi nga namin masasabing basher iyon. Ang sinasabi lang niya, iyong mga ganoong biro ay medyo unbecoming para sa isang taong simbahan.
Ang tawag ng simbahan sa mga papal awardee na kagaya ni Aiai ay “condecorado”. Kagaya niya, na binigyan ng isang award “Pro ecclesiae et Pontifice,” isa sa pinakamataas na pagkilala sa isang katoliko na ang ibig sabihin ay may ginawa kang lubhang mahalaga “para sa simbahan at sa santo papa”.
Iyang mga “condecorado” sa mga pagtitipon ng simbahan ay may sariling upuan sa unahan. Iba ang dating niyan eh, dahil kinilala nga sila ng Santo Papa. Ipagpaumanhin ninyo, pero iba rin kasi ang character na inaasahan ng mga tao sa isang “condecorado”. Mataas ang pagtingin sa kanila eh. Minsan may mga kailangan talagang baguhin sa kanilang sarili ang isang “condecorado.”
HATAWAN
ni Ed de Leon