“KINUHA akong guest sa isang serye, ang role ko ay isang pari na magbibigay dapat ng recollection sa ibang mga pari rin. Pagdating ko sa set, nagtanong ako. Bakit iyong ibang kinuha ninyo para gumanap na pari hindi naman mukhang pari? Eh mukhang budol-budol ang mga hitsura eh” sabi ni Michael Angelo Lobrin.
Ang resulta ng sinabi niya, “iniutos ni direk Maryo (delos Reyes) na kunin na akong regular guest magmula noon, kaya kahit na wala nang ginagawa iyong character na ginagampanan ko, guest pa rin ako,” pagkukuwento pa ng komedyante.
Sinasabi nilang isang magaling na komedyante si Michael Angelo, pero hindi lang siya isang komedyante, siya ay isa ring inspirational speaker. Iyon bang nagbibigay ng pananalita para magbigay inspirasyon sa mga tao, at imulat ang kanilang mga mata sa maraming pagkakataong naghihintay sa kanilang mga buhay.
Kaya iyon din nga ang ginagawa niya sa kanyang mga sitcom. Hindi siya kagaya ng iba na bastos ang pagpapatawa. Hindi rin siya iyong ginagawang katatawanan ang kapwa niya tao. Nagpapakita siya ng mga katatawanang makapagbibigay din ng inspirasyon sa mga tao, na habang natatawa ka, namumulat naman sa maraming magagandang bagay ang isipan mo.
Mahirap gawin iyon. Siguro nga masasabing napakahirap gawin. Pero mukhang mas matindi ang determinasyon ni Michael Angelo bilang isang komedyante na baguhin ang nauusong sistema ng pagpapatawa na kadalasan ay wala sa ayos. Iyong nauuso ngayon, lalo na iyong panlalait sa kapwa, at ginagawang katatawanan ang iba, maling-mali iyan. Pero iyan ang ginagawa ng maraming komedyante, dahil mas madaling magpatawa kung ganoon. Pero mali eh. Mas gusto namin ang ginagawa ni Michael Angelo na malinis na pagpapatawa.
HATAWAN
ni Ed de Leon