AWARE kaya ang Asia’s King of Talk na si Boy Abunda na may mga “beau-conera” (mga sumasali sa gay beauty pageant) na kinakabahan kung sakaling siya ang maatasang host o isa sa mga hurado?
Tsika ito ni Jorgel, isang beking kapitbahay na tubong-Oriental Mindoro. For several months now ay roon muna sa Calapan City (kabisera ng naturang lalawigan) siya tumitigil dahil ipinapaayos ang kanilang bahay.
Sa tatlong araw niyang bakasyon sa Pasay City ay nakakuwentuhan namin si Jorgel, na nakatakdang bumalik sa Calapan para sa gaganaping Gay OrMin Queen sa December 1.
Balita kasing si Kuya Boy ang magho-host nito. Truth be told, suki si Kuya Boy ng mga ganitong timpalak. Todo-suporta naman kasi siya sa mga aktibidad ng LGBT+ community.
Kuwento ni Jorgel, kabado ang mga beking kandidatang kalahok. ”Baka maloka kami sa mga itatanong ni Tito Boy. Alam naman kasi natin kung gaano siya kaintelihente.”
Ang ikinatatakot ng mga bayot ay baka ma-mental block sila sa pagsagot kahit alam nating may ilan doon ang “scripted” na ang mga sagot or even their intro speeches. ”Baka hard si Tito Boy,” agam-agam ni Jorgel.
Hindi man siya kasali sa beau-con ay pinayuhan namin si Jorgel na sabihan ang kanyang mga gay friend na taliwas ang impression nilang ‘yon sa tunay na Boy Abunda when hosting (as well as sitting as judge) sa mga ganoong timpalak.
Dahil ine-enjoy ni Kuya Boy ang talaga namang nakaaaliw na gay beauty contest, wala sa kanyang sistema ang sukatin ang katalinuhan ng isang gay candidate sa pamamagitan ng tanong.
Kung kami ang magsasalita on his behalf ay iisa lang ang ia-advise ni Kuya Boy sa kanilang lahat: ”Just be yourself.”
Siyempre, “given” na that any candidate has to look her best during the pageant night. Pero pagdating sa Q & A portion, mahalaga na ang sagot ay nanggagaling sa puso.
Samantala, inimbitahan din pala sa Gay OrMin Queen si Juliana Segovia, ang kauna-unahang winner saMiss Q & A sa It’s Showtime, para mag-judge.
Pero ayon kay Jorgel, ”Nagtaas daw siya ng budget. Hawak na raw kasi siya ng Star Magic. Dinig namin, ang asking talent fee niya, eh, P200K!”
If true, bongga ang kapwa Pasayeno namin! Eh, kung ganoon kalaki ang sinisingil ng bayot, how much more ‘yung para kay Kuya Boy?
At kami na rin ang sumagot. Baka ang ending pa nga niyan, si Kuya Boy pa ang mag-sponsor ng beau-con alang-alang sa kanyang adbokasiya sa sankabaklaan.
Adbokasiya raw, o!
ni RONNIE CARRASCO III