NAGSIMULA na noong Miyerkoles ang QC International Pink Film Festival na pinangunahan nina Vice Mayor Joy Belmonte at Direk Nick Deocampo sa pamamagitan ng pagbibigay-pugay sa 60 pelikulang itatampok.
Binigyang pagkilala rin si Reynaldo ‘Oliver’ Villarama, isang female impersonator na ginawan ni Deocampo ng isang dokumentaryo ang kanyang buhay noong 1983 na may titulong Oliver. Ginawaran siya ng Natatanging Pink Film Award.
Pagkaraan ay itinampok ang isang documentary film, ang 50 Years of Fabulous na tumalakay sa kung paano nagsimula at ipinaglaban ang karapatan ng mga LGBT.
Itatampok sa QC International Pink Film Festival ang humigit kumulang na 60 pelikula (shorts, features, documentaries, animation) na nagsimula na noong Nobyembre 14 at tatagal hanggang Nobyembre 25 sa Gateway Cinema Complex, UP Adarna, at Cinema Centenario.
Tampok sa line up ang mga kontrobersiyal na LGBT films tulad ng Liquid Truth ng Brazil, Boys for Sale” ng Japan, The Driver ng Thailand, Mr. Gay Syria ng Syria, Leitis in Waiting ng Tonga, Small Talk ng Taiwan, Memories of My Body ng Indonesia, at Carmen and Lola ng Spain.
Opening film sa Cine Adarna sa Nob. 19, 5:00 p.m. ang Call Me Ganda ni PJ Raval na tumatalakay sa kuwento ng transgender na si Jennifer Laude.
Dadaluhan din ang filmfest ng mga filmmaker at actors mula sa United States, Brazil, Indonesia, Tonga, Spain, Taiwan, Japan, Thailand, Syria, Turkey, at United Kingdom.
Muli ring ipalalabas ang Rome and Juliet ni Connie Macatuno, Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Aureaus Solito, Ang Gabing Kasinghaba ng Hair Ko ni Gerardo Calagui, at Traslacion: Ang Paglakad sa Altar ng Alanganin ni Will Fredo.
Mayroon ding Special Section si Direk De Ocampo na itatanghal ang PinQCity, Sex Warriors and the Samurai, at Oliver sa Cinema Centenario sa Nov. 22, 6:00 p.m.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio