HUWAG nang magtaka kung muling mapapanood si Romnick Sarmenta sa pinakabagong handog na teleserye ng ABS-CBN, ang Halik matapos mapanood sa La Luna Sangre dahil na-enjoy niya ang pagtatrabaho.
Anang actor, nagustuhan niya iyong privilege na nakapipili siya ng gusto niyang gawin.
“Nami-miss ko ang trabaho at enjoy ako sa mga kasama,” sambit ni Romnick nang makahuntahan namin siya isang hapon habang malakas ang ulan. “So tingnan natin kung after ‘Halik’ may susunod na magandang offer na naman at mukhang enjoy, so, puwede nang magtuloy-tuloy.”
Sinabi pa ni Romnick na very supportive naman ang kanyang asawang si Harlene Bautista sa kanyang career at pagbabalik-showbiz.
Lima ang anak nila ni Harlene na apat ay babae at isang lalaki na siyang pinaka-panganay.
Gagampanan ni Romnick ang tatay ni Yen Santos sa Halik na mapapanood na sa Agosto 13. Business partners sila ni Cris Villanueva at ani Romnic, medyo salbahe ang role niya rito.
Open naman siyang makatrabaho ang dating ka-loveteam na si Sheryl Cruz.
Aniya, “Walang problema, nagkataon lang na we had offers before na may katapat na trabaho. Hindi ko rin ginagawa ‘yung lumabas sa isang network tapos sa kabilang network naman kahit na hindi sila magkatapat.
“Siyempre parang delikadeza na rin sa pinagtatrabahuhan mo. So noong in-offer ako with one project with her, nagkataon na may ginagawa ako sa kabila and then noong matapos ‘yun nauna uling mag-offer ‘yung network na another project bago mag-offer itong isang network.
“So, parang hindi lang siya natatapat.”
Nasabi noon ni Romnick na nasa pangangalaga na ngayon ng Clever Minds Inc. na pag-aari nina Derick Cabrido at Omar Sortijas na ayaw niya ng kontrabida role. Pero sa Halik, kontrabida siya.
“Ayaw ko talaga,” giit niya. “Kinausap ako ng kinausap ng aming director. ‘Yung isa, ‘yung project director mismo. Sinabi niyang magandang i-explore. Maayos naman ang explanation niya at naiintindihan ko naman ‘yung points niya.
“Finally after much taught, tapos kinausap ko rin si Harlene about it. So, sige subukan natin, bakit hindi, para maiba rin.
“’Yun din naman ang gusto kong gawin, ayoko naman ng pare-pareho ng ginagawa ko. Sige explore lang natin, tingnan natin. Medyo nai- reconcile ko naman sa utak ko na ito pa rin ‘yung limitations ko as a person. Ito pa rin ‘yung puwede kong gawin as an actor. Or magandang gawin as an actor. ‘Yun pinasok ko. Then so far, okey naman.”
Pahayag pa ni Romnick ukol sa role niya sa Halik. “He’s a very selfish, self-centered, self-made guy in a sense na parang ginawa niya lahat para marating ang kung ano ang narating niya sa buhay.
“So, noong may puwesto na siya very jealous siya and threatened everytime may mga taong umaangat na kailangan niyang harangan. May personal na galit sa anak niya (kay Yen). May history within the family na hindi niya gusto. Kontrabida siya, hindi rin siya gray na tao, simple lang.”
Mapapanood ang Halik sa Agosto 13, Lunes.
Samantala, kasama ni Romnick sa bakuran ng Clever Minds Inc., sina Cris Villanueva, Che Ramos, Chrome Cosio, at ang dating child actor na si Gold Aceron.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio