Friday , November 15 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Pisong dagdag-pasahe hudyat na ng kalbaryo

SIMULA noong Biyernes, pinayagan na ng LTFRB ang mga tsuper ng jeep na maningil ng dagdag-piso, mula P8 tungo sa P9, para sa pasahe sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON. Dangan nga raw kasi, hindi na mapigil ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo tulad ng langis at diesel pati na rin ng spare parts ng mga sasakyan.

Para sa mga nakaaangat sa buhay, hindi mabigat na pasanin ang pisong dagdag sa pasahe. Pero para sa nakararaming Pinoy na isang kahig, isang tuka, dagdag ito sa kalbaryong pasan nila araw-araw.

Ang siste pa, simula pa lamang ito ng pag­hihirap na inaasahan ng ordinaryong mamamayan dahil sa pagpapatupad ng dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN. Nakaamba na rin kasi ang mga petisyon para sa pagtataas ng pasahe sa bus at iba pang pampublikong sasakyan gayundin sa singil sa koryente.

Bago naisabatas ang TRAIN (Republic Act 10963), walang excise tax na ipinapataw sa diesel, LPG at kerosene. Dahil sa batas na ito, magkakaroon na ng buwis ang mga nasabing produkto at madaragdagan ito taon-taon. Mula P2.50 ngayong taon, lolobo sa P6.00 ang buwis na ipapataw sa diesel sa taong 2020.  Ang buwis sa LPG ay tataas nang piso taon-taon mula 2018 hanggang 2020. Maging ang gasolina na may P4.35 excise tax bago ang TRAIN, tataas din ang buwis mula P7.00 ngayong taon tungo sa P10.00 sa taong 2020.

Ayon sa BIR, nakakolekta na ang pamahalaan ng P4.73 bilyon galing sa excise tax sa produktong petrolyo sa loob lamang ng tatlong buwan simula nang ipatupad ang TRAIN noong Enero. Kapalit naman ng koleksiyong ito ang pagtaas ng presyo ng mga gasolina (P8.07 bawat litro), diesel (P8.95 bawat litro) at kerosene (P9.15 bawat litro) sa loob din ng nasabing tatlong buwan.

Maaaring malinis ang intensiyon ng mga mambabatas nang ipasa nila ang TRAIN. Layon daw kasi nila na makakuha ng sapat na pondo para palawakin pa ang mga proyekto ng gobyerno at pagbutihin pa ang serbisyo sa mamamayan.

Ang hindi natin maintindihan, bakit ang mahihirap ang nagpapasan ng bigat ng mga panibagong buwis? Hindi ba alam ng magigiting nating senador at kongresman na ipapasa lamang ng malalaking negosyante ang dagdag na buwis sa presyo ng kanilang mga produkto?

Sigurado namang alam nila na ang bulto ng mga petrolyong ibinebenta sa Filipinas ay ginagamit para sa transportasyon (pampasahero at pangkargamento), operasyon ng mga pagawaan at pagpapadaloy ng koryente. Lahat ito ay may direktang epekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin gayundin sa presyo ng serbisyo.

Hindi kataka-taka na dahil sa mga buwis na dulot ng TRAIN, umabot ang inflation natin nitong Hunyo sa 5.2%. Huling naabot ang taas ng inflation na ito noong Oktubre 2011.

Ano ang epekto ng numerong ito? Kaakibat nito ang pagtaas ng presyo ng mga gastusin sa pabahay, tubig, koryente, gas at iba pang petrolyo (4.6%);  transportasyon (7.1%). komunikasyon (0.4%) at edukasyon (4.0%).

Nararamdaman ang dagok ng pagtaas ng bilihin partikular sa mga pagkain tulad ng bigas (4.7%); mais (14.1%); arina, tinapay at pasta (2.4%); karne (5.0%); gulay (8.6%) at iba pang klase ng pagkain (3.1%).

Lahat ng numerong ito ay galing sa gobyerno kung kaya’t hindi maaaring sabihin na guni-guni lamang o black propaganda galing sa oposisyon. Simple lamang ang sinasabi ng mga numerong ito. Maiksi na naman ang kumot. Matuto tayong mamaluktot.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *