FIRST full length film ni Joshua de Guzman ang pelikulang The Maid in London at masasabing biggest break na rin. Inusisa namin siya sa papel niya sa pelikulang ito na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann & Matt Evans at mula sa panulat at direksiyon ni Danni Ugali.
Panimula ni Joshua, “Nido po yung name ko rito, TNT din po ako rito. Iyong mga eksena ko po ay sa London lahat. Bale, makikilala po ako nina si Faye (Alexis Navarro) at si Margo (Andi), habang naghahanap ng trabaho.”
Ano ang trabaho mo sa London? Sagot niya, “Paiba-iba po, kasi po mga TNT po kami, eh.”
Sa tingin mo, makaka-relate sa movie ninyo ang mga OFW kahit wala sa London?
Tugon ni Joshua, “Opo, sobra kasing… sa totoo lang, noong nakita ko na po yung movie, actually noong pinnapanood ko po, tumagos po rito eh,” sabay turo sa kanyang dibdib. “Nakaka-touch po yung story, yung story po niya ay talagang iba po yung dating, makaka-relate ka po talaga. Lalo na yung mga OFW na may pamilya, lalo na po sila, talagang makaka-relate. Actually pati yung mga pamilya nila rito, kapag napanood nila itong The Maid In London, malalaman nila yung mga hirap ng mga magulang, asawa o kapatid nila na nasa ibang bansa.”
Ang pelikula ay tumatalakay sa mga TNT o Tago ng Tago sa London at isa nga rito si Margo, mapagmahal na anak na handang gawin ang lahat para sa kinabukasan ng kanyang mga mahal sa buhay. Napilitan siyang magtrabaho sa abroad, matapos ang kanyang mga pangarap sa buhay ay mawasak ng lalaking kanyang minamahal.
Mapapanood na ang The Maid in London sa July 4. Ito’y base sa librong Tago ng Tago ni BL Panganiban. Tampok din dito sina Polo Ravales, Janice Jurado, Alexis Navarro, at iba pa. Ang pelikula ay mula sa Cinemanila.UK at Viva Films. Ang producers nito ay sina BL Panganiban, Beth Rees, Steve Rees, Mark O’driscoll, Nhing O’driscoll, at Danni Ugali.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio