MAHABA ang naging kuwentuhan namin noong isang araw ni Ian Farinas, isa sa mga inirerespetong entertainment editor at sa kasakuluyan ay presidente ng SPEEd, o iyong Society of Philippine Entertainment Editors. Samahan iyan ng mga entertainment editor ng mga lehitimong diyaryo at sila rin ang nagbibigay ng taunang Eddys Choice. Tinawag nila iyong Eddys dahil choice iyon ng mga lehitimong editors ng mga diyaryo.
“Basta sa amin, kailangang iyong pelikula ay magkaroon ng commercial theater run ng sinundang taon. Hindi puwede iyong lumang pelikulang nagkaroon lang ng re-run, o re-issue. Hindi rin puwede iyong mga pelikulang hindi naipalabas sa sinehan,” sabi ni Ian.
Nasabi naman niya iyan dahil sa puna ng ilang mga tao na iyong isang award ay nagbigay ng karangalan sa mga pelikula at mga artista na hindi naman napanood sa mga sinehan.
“Wala ring influence ng ibang tao sa Eddys. Kung ano man ang mapipili, iyon ang pinili ng majority sa amin. Nagkakaroon kami ng review ng mga pelikula. Pinag-uusapan namin iyon at wala kaming ibang consideration kundi artistic excellence. Siguro naman wala kayong masasabi sa una naming awards. Ngayon sigurado mas wala kayong masasabi sa ikalawa. Nakita rin naman kasi namin kung saan kami nagkulang noong una, at natural lang na baguhin namin iyon,” sabi pa niya.
“Mahirap eh, kasi ang isinusugal diyan hindi lang pangalan namin kundi ganoon din ang pangalan ng mga diyaryong kinakatawan namin,” paliwanag pa niya.
So far kagaya nga ng aming nasabi, iyan namang mga miyembro ng SPEEd, lalo na ngayon, ay mga kinikilalang mga kritiko on their own, at wala ka ring maituturo isa man na involved sa anomalya.
HATAWAN
ni Ed de Leon