Monday , December 23 2024

Patigasan ng mukha, patibayan ng sikmura

GARAPALANG ipinag­tanggol ni Presidential Spokes­person Harry Roque si Solicitor General Jose Calida sa P150 milyong kon­trata sa pagitan ng ilang tanggapan ng gobyerno at Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI).

Sana, bago inabsu­welto ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte si Calida ay pinaimbes­tigahan muna para naman hindi gaanong garapal.

Ang VISAI, isang pribadong kompanya na pag-aari ng pamilya ni Calida, ay nabulgar na kasalukuyang may kontrata sa serbisyo ng security guards na tumatanod sa National Economic Development Agency, National Anti-Poverty Commission, Philippine Amusement and Gaming Corp., National Parks Development Corp. and the Department of Justice.

Ang tawag diyan ay conflict of interest at paglabag sa 1987 Constitution, gaya ng nasasaad sa Section 13, Article VII na:

“The President, Vice-President, the Members of the Cabinet, and their deputies or assistants shall not, unless otherwise provided in this Constitution, hold any other office or employment during their tenure. They shall not, during said tenure, directly or indirectly, practice any other profession, participate in any business, or be financially interested in any contract with, or in any franchise, or special privilege granted by the Government or any subdivision, agency, or instrumentality thereof, including government-owned or controlled corporations or their subsidiaries. They shall strictly avoid conflict of interest in the conduct of their office.”

Sina Roque at Calida na kapwa naturingang abogado ay mga pangahas at umiimbento lang ng sarili nilang pakahulugan kahit malinaw naman ang sinasabi ng batas.

Ayon pa kay Roque, kesyo binabalikan lang daw si Calida ng mga kalaban matapos manalo ang isinampang ‘quo warranto’ laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na pinilipit sa Korte Suprema.

Sakali kayang hindi nagsampa ng quo warranto si Calida laban kay Sereno, ibig sabihin ba ay legal nang mangontrata ang kanyang security agency sa gobyerno?

Nakalimutan ng mga damuho ang kasabihan na, kung nakatira ka sa lata ng sardinas ay huwag kang mambabalibag ng abre-lata.

Hindi ba lihis sa sentido kumon na maka-jackpot ng malaking kontrata sa mga ahensiya ng gobyerno si Gng. Calida na hindi man lang nila nagamit bilang impluwensiya ang puwesto ng kanyang asawa na isang cabinet member?

Madali lang palitawin ni Calida na nag-divest siya ng interest sa kanyang kompanya, bagay na kahit grade one ay hindi paniniwalaan.

Magiging kapani-paniwala lang ang palusot ni Calida kung pati ang relasyon niya sa kanyang maybahay at pamilya ay ganap na rin naputol kasabay ng pagtiwalag niya sa sarili nilang kompanya.

Hindi ba ang makatuwiran at dapat na ginawa ni Calida ay binuwag ang kanyang kompanya matapos siyang mapuwesto sa gobyerno?

Kasi naman, kahit bistado na ay nagpapalusot pa ang mga damuho.

Si Calida ay sinampahan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713) sa Office of the Ombuds­man.

Sabi nga, hindi raw nagsisinungaling ang ebidensiya.

ROQUE, ASAR 
KAY CAYETANO?

KAKAIBA naman ang naging sagot ni Roque nang matanong sa “visa outsourcing” ang bagong raket na naghihintay malagdaan sa tanggapan ni Sec. Alan Peter Cayetano sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Kompara sa todo depensa niya kay Calida ay hindi naman ipinagtanggol ni Roque si Cayetano at kinompirmang ilegal ang visa outsourcing proposal ni dating Sec. Wanda Teo bago masibak sa Department of Tourism (DOT).

Sagot ni Roque, “Naku, you better ask Secretary Cayetano po, because I have no idea. Because you know, both passporting and special visa sometimes fall within the consular affairs functions of the DFA.”

Dagdag pa ni Roque, “I cannot come up with the legal opinion as Spokesperson, pero there was an observation made by a prior Secretary of Foreign Affairs and even the printing of the passports was illegally sub-contracted. Although, that’s one legal opinion, others have different opinions.”

‘Di ba maliwanag naman na si Roque ay spokesman ni Pres. Digong at hindi ng SolGen?

At kailan pa nadagdag sa trabaho ni Roque magbigay ng interpretasyon sa Saligang Batas, aber?

Iba raw kasi ang tinitingnan kaysa tinititigan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

 

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *