MATAPOS maluklok bilang pangulo ng Senado si Tito Sotto, walang humpay na ang mga banat sa kanya. Samot-saring pangungutya ang ipinupukol sa kanya ng maraming tao na sadyang ang taas ng pagtingin sa mga sarili na animo’y napakatatalino, kagagaling at walang naging pagkakamali.
Umuulan nang pang-iinsulto at laging iniuugnay sa bagong hirang na pangulo ng Senado ang mga nakaraang kapalpakan niya at maging ang mga kontrobersiyang kanyang kinasangkutan. Maging ang koneksiyon niya sa entertainment industry, partikular ang pagiging komikero at host ng Eat Bulaga ay ginawang katatawanan at behikulo para siya tuyain, at sabihing wala siyang karapatang maging lider ng Senado.
Sa ganang atin, bakit ba hindi na lang muna bigyan ng pagkakataon si Sotto na pangunahan ang Senado, tutal naman mismong mga kasamahan na rin niya ang pumili sa kanya para sila ay pangunahan. Maaaring may mga basehan sila kung bakit siya ang kanilang pinili — mga basehan na hindi natin nakikita at nasusuri. Kung kaya’t nararapat siguro na bigyan natin sila, higit lalo si Sotto, ng pagkakataon na patunayan ang kanyang sarili na karapat-dapat.
Kung dumating ang panahon na magiging palpak ang Senado, magiging tunay na katawa-tawa, hindi si Sotto ang unang dapat sisihin kundi ang mga kapwa niya senador na bumoto sa kanya at maging ang mga ‘di pumabor sa kanya na hindi naging agresibo sa pagkontra sa kanyang pagkakaupo.
Doon natin masasabi na talagang pang comedy na ang Senado, at wala nang ipinagkaiba sa Eat Bulaga!