BALIK-Regal si Eric Quizon sa pamamagitan ng My 2 Mommies na pinagbibidahan nina Paolo Ballesteros at Solenn Heussaff. Ang Regal ang naglunsad kay Eric bilang actor noong dekada ’80.
Sabi nga niya, ”Once a Regal Baby, always a Regal Baby.”
First time maididirehe ni Eric si Paolo at hindi niya itinago ang paghanga rito.
“I must say I’m very impressed, he’s good, very witty, very smart,” paglalarawan ni Eric.”He’s the type only a few people would do, na iba-iba ang sasabihin niya sa bawat take ng same scene. Bihira lang ‘yung ganyan na artista.”
Hanga rin si Eric likas na talino ni Paolo sa comedy.
“You can tell talaga na pang-comedy siya kasi mahilig siyang mag-adlib. Hindi siya papayag na masasapawan siya.”
Ang galing ni Paolo sa pagkokomedya, ani Eric, ay nahasa sa araw-araw na stint nito sa Eat Bulaga.
“Nahahasa ka ‘pag nagtatrabaho sa TV.
“You get trained to be more prepared.”
Sa kabilang banda, may reservations naman ang actor/director sa pakikipagtrabaho kay Solenn.
“Noong una ang impression ko, ang tingin ko sa kanya nakaiilang, maybe because of her features, and maybe because she is French.”
Pero nang makilala na ni Direk Eric si Solenn, nalaman niyang propesyonal itong katrabaho. ”She’s no diva whatsoever. Magaan katrabaho. ‘Pag sinabi mong ganito, gagawin niya. ‘Pag sinabi mong tumambling siya, ta-tumbling siya talaga.”
Ang My 2 Mommies ay isang touching story ukol sa kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng isang ina. Isang heartwarming story ukol sa matagumpay na gay guy, si Manu (Paolo), isang kloseta. Isang araw dumating ang kaibigang si Monique (Solenn), at sinabing may anak sila si Marcus Cabais.
Ito’y Mother’s Day offering ng Regal na mapapanood na sa Mayo 9. Kasama rin dito sina Maricel Soriano, Joem Bascon, Diane Medina, at Mich Ligayu.
Sa kabilang banda, nag-viral naman ang trailer ng My 2 Mommies na naka-4-M views na noong April 20.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio