PINAKA-ATE si Anna Luna sa mga babaeng inilunsad bilang parte ng 2018 Star Magic Circle kamakailan.
Bago pa man ipakilala si Anna, kilalang indie actress na ito at produkto ng PETA. Ilan sa mga nagawa na niyang pelikula ay ang Paglipay ni Zig Culay at Maestra ni Lemuel Lorca.
Umani na rin siya ng award tulad ng Best Actress para sa pelikulang Maestra mula sa Five Continents International Film Festival sa Venezuela.
Suki rin ng mga Star Cinema movie si Anna tulad ng Breakup Playlist, How to be Yours, at Dear Other Self.
Isa rin sa pinag-usapang performance niya ay ang role sa Changing Partners kaya naman dito siya napansin ni Mr. Johnny Manahan.
Ani Anna, bagamat marami na siyang nagawang pelikula at nakatanggap na ng award, wish niyang makagawa ng isang Maalaala Mo Kaya episode.
Pinakabata naman sa grupo sina Daniela Stranner at Chantal Videla. Kapwa 15 taong gulang silang dalawa.
Si Daniela ay isang Filipino-German na nagmula sa Pampanga. Nadiskubre siya sa isang music festival at agad ipinakilala kay Mr. M.
Sumabak na sa mga series of workshop ang 5’5 football varsity player at excited siyang subukan ang acting. Isa sa gusto niyang gawin ay isang rom-com movie.
Nag-umpisa naman bilang commercial model si Chantal noong 13 taong gulang siya. Pangarap niyang maging isang artista kaya nagpursige na mag-audition sa Star magic.
Idolo ng Filipino-Argentinian na si Chantal si Liza Soberano at isa sa gusto niyang gawin ay romantic comedy movie o isang light drama sa telebisyon.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio