NAALIW kami sa bagong handog ng Viva TV, ang isang musical drama series na mapapanood simula Marso 10, 8:00 p.m. sa Viva Channel (Cignal TV), ang One Song.
Ang serye ay tatampukan ng tatlong talented singer –actress na bagamat baguhan ay nakitaan agad naming ng potensiyal at galing sa ilang episode na ipinanood sa amin. Ang One Song ay tatampuhan nina Aubrey Caraan, Janine Tenoso, at Carlyn Ocampo.
Kung sinusubaybayan ninyo ang Manila’s P-Pop movement last year, tiyak kilala ninyo ang tatlo dahil ang tatlong ito ay kasama sa young movers of the pop music scene. Sina Aubrey at Carlyn, ay dalawa sa limang miyembro ng electric all female sing and dance group na Pop Girls. Samantalang si Janine ay solo performer naman.
Bilang natatanging musical drama series ang One Song ngayon sa ‘Pinas, magkakaroon ito ng OST extension na magbibigay spotlight sa musikang itatampok sa show. Kasama rito ang binigyan ng bagong tunog na awitin ngRivermaya, ang Himala at Next In Line ng After Image. Mariringi din ang awitin ng Pretty In Pink na Cool Ka Lang na kinanta ng tatlo habang nasa kanya-kanyang karakter sila.
Siyempre pa, may solo moment din sina Carlyn, Janine at Aubrey. Si Aubrey ay matagumpay na nag-ala Agot Isidro sa awiting Sa Isip Ko, samantalang si Carlyn ay may moment din nang kantahin ang Bakit ni Rachelle Ann Go. At siyempre ‘di rin magpapatalo si Janine nang kantahin niya ang Eraserhead classic na Huwag Mo Nang Itanong.
Inihahalintulad ang One Song sa mga pelikulang ginawa ng Viva na tumatalakay ukol sa pagkakaiban, pagsi-share ng passion for music at pagtatrabaho together para maabot ang kasikatan. Ganitong-ganito ang pelikulang tinangkilik noong 80s, ang mega-hit drama na Sana’y Wala Nang Wakas na lalong nagpakinang kinaSharon Cuneta, Dina Bonnevie, at Cherie Gil ng kanilang kasikatan. At nang dekada ’90 ang blockbuster dramedyna Do Re Mi na tinatampukan nina Regine Velasquez, Mikee Cojuangco, at Donna Cruz ang itinampok na naging daan para maging totoong magkakaibigan ang tatlo.
Ayon kina Aubrey, Carlyn, at Janine, personal silang pinili ni Boss Vic del Rosario.
Si Aubrey ay unang sumalang sa Pinoy Dream Academy Little Dreamers ng ABS-CBN noong 2008 kaya masayang-masaya siya sa malaking break na ibinigay sa kanya ng Viva na after 10 years ay maibabahagi niya ang kanyang talent.
Si Carlyn naman ay anim na taon nang nasa pangangalaga ng Viva. Gradweyt siya sa De La University of Dasmarinas ng kursong AB Communication Arts. Ngayon lamang siya nabigyan ng malaking proyekto. Bagamat aminadong mas mahirap umarte kaysa kumanta, kumbinsido naman kami sa galing na ipinakita niya bilang si Jess, na pinalaki ng isang single na ina na may kapatid mula sa iba’t ibang ama.
Grand finalist naman si Janine sa TV5’s Born To Be A Star 2016 at doon siya nadiskubre ng Viva. Siya ang pinakabago sa tatlo kaya naninibago rin siya sa pag-arte. Ginagampanan naman niya ang karakter ni Abby, ang pinakatahimik sa tatlo.
Kasama rin sa One Song sina Candy Pangilinan, Katya Santos, Christopher Roxas, Andrew Muhlach, Gab Lagman, Cliff Hogan with special participation ni Roselle Nava. Ito ay mula sa direksiyon ni Digo Ricio.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio