Sunday , December 22 2024

Taguba, nangangarap maging state witness

HABANG isinusulat ito ay wala pang balita kung nailipat na ang dakilang “fixer” cum “broker” sa Bureau of Customs (BOC) na si Mark Ruben Gonzales Taguba II ng selda sa Manila City Jail (MCJ) mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Noong Biyernes ay ibinasura ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa ang mosyon ni Taguba na manatili sa NBI Headquarters at huwag si­yang ipalipat sa MCJ.

Ayon sa hukom, walang ebidensiyang nagpapatunay na may banta ng panganib kay Taguba sa MCJ kaya’t ibinasura ang hirit na VIP treatment sa NBI.

Ayon pa sa hukom, ang NBI o alinmang attached agency o tanggapan sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ay walang mandato sa batas para patuloy na maging custodian ni Taguba kaya dapat siyang ilipat sa regular na bilangguan, at ‘yun nga ang MCJ.

Noong Biyernes din ay naaresto na rin ng NBI operatives sa Iloilo ang isa sa mga co-accused ni Taguba na si Eirene Mae Tatad, ang tumayong consignee ng P6.4-B shabu shipment na natagpuan sa Valenzuela City matapos maipuslit sa Manila International Container Port (MICP) ng Customs noong nakaraang taon.

Siyempre, todo-tanggi si Taguba na nagsa­bing wala raw siyang kinalaman sa ipinuslit na kontabando at kompiyansa pa raw na maabsuwelto sa no bail na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Pagdidiin ni Taguba, inosente siya at sinabi lang niya ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpapalusot ng mga kontrabando sa Customs.

Ang nakatatawa sa naging pahayag ni Taguba ay bukas daw siya sa posibilidad na magpresentang ‘state witness’ sa kinakaharap na kaso.

“Yes. Pero hindi pa namin nagagawa. Pero naisip na namin iyan,” sabi ni Taguba sa media.

“Pag-iisipan namin siguro ng atorni ko iyan. Kaya itatanong ko sa kanya,” dagdag ni Taguba.

Hindi ba’t malaking kagaguhan na maging state witness ang isang inosente at walang kinalaman sa kaso?

Isa pa, ang kuwalipikado lamang na maging state witness, ayon sa batas, ay may pinakamababang partisipasyon sa krimen at hindi ang principal accused na gaya ni Taguba.

Ang problema ay paano didiskartehan ng abogado ni Taguba na mapababa ang kanyang partisipasyon sa krimen mula sa pagiging principal accused, gayong bistado na ang matagal na pandurugas ng kanyang grupo sa Customs bago pa sumabit sa nabukong smuggling ng P6.4-B shabu?

Kaya posible lang ang pinapangarap ni Taguba na maging state witness kung nabago na ang batas.

Nakahihiya naman sa ibang mga preso kung hindi nila makakapiling si Taguba at ang kanyang mga kasabwat sa MCJ.

ESTACIO-MONTESA
MATINONG HUKOM

SAYANG, kung hindi si Estacio-Montesa na matinong hukom ang may hawak ng kaso ay malamang na kung ‘di man maibasura ay makapagpi­yansa si Taguba at kanyang mga kasabwat.

‘Buti na lang, may matitino pang hukom na tulad ni Estacio-Montesa at hindi lahat ay tulad ni RTC Branch 171 presiding Judge Maria Nena Santos ng Valenzuela City.

Hindi tiyak nakalaya at nakapagpiyansa ang isang dating senador sa no bail na kasong plunder kung mga tulad niEstacio-Montesa ang ma­histrado ng Sandiganbayan at hindi sina Special Fifth Division Associate Justices Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, Reynaldo P. Cruz at Lorifel L. Pahimna.

Sana ay dumami pa ang hukom at mahistrado na tulad ni Estacio-Montesa sa ating judiciary.

REUNION
SA MCJ

MAY mga nababahala kung bakit wala pa rin balita sa ibang principal co-accused ni Taguba.

Tanong nila, sadya bang hirap ang NBI na hanapin sa lungga na kanilang pinagtataguan sina Li Guang Feng alias Manny Li, Dong Yi Shen Xi alias Kenneth Dong, Teejan Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jhyun, at Chen Rong Huan?

Bakit nga naman ang walang masyadong pera na si Tatad ay una pang naaresto sa Iloilo.

Sana, ay ibasura na rin agad ng hukuman ang inihaing mosyon ni Chen Ju Long (aka Ri­chard Tan at Richard Chen) para sa nalalapit na reunion sa MCJ, sa lalong madaling panahon!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *