PINURI ni Christian Bables si Kim Chiu, lead star ng pelikulang The Ghost Bride na pinamahalaan ni Direk Chito Roño. Magkasama sina Christian at Kim sa naturang pelikula ng Star Cinema na showing na sa November 1.
Ayon kay Christian, mabait daw ang Kapamilya actress kaya madali niyang nakapalagayan agad ng loob at supportive rin bilang co-actor.
“Sobrang bait ni Kim, siguro ay dahil parehas kaming Bisaya, kaya hindi na kami nahirapang makahanap ng rapport sa isa’t isa. Sa set, nagkukuwentohan lang kami palagi.
“First time ko pong makatrabao si Kim at ayon nga, sa unang beses na iyon ay sobrang nag-jive agad kami dahil bukod sa pareho kaming Bisaya nga, mabait na tao si Kim at hindi mahirap makapalagayan siya ng loob agad.
“Pagdating naman po sa work, ang dami kong mga tanong sa kanya, bilang bago pa lang din naman po ako. So, ang dami kong mga tanong sa kanya at very generous naman siyang magbigay ng advices,” saad ni Christian.
Nanibago ka ba sa pelikulang The Ghost Bride dahil nalilinya ka sa gay roles, tapos ngayon ay horror naman itong movie mo?
Tugon niya, “Hindi naman nakapapanibago, kasi ay acting job din naman ito. Kumbaga, kagaya rin sa Die Beautiful, inaral din naman. So, hindi naman nakapapanibago.”
Paano mo ide-describe ang pelikulang ito?
“Ang movie na The Ghost Bride ay bibigyan kayo ng halo-halong emosyon. Ito ‘yung mai-in love kayo, matatakot kayo, of course… basta, halo-halong emotions, roller coaster of emotions ang mararamdaman ninyo kapag pinanood n’yo ang movie.
“Isa siyang I would say, masterpiece, grabe! Direk Chito at Direk Neal Daza, grabe!”
Ano ang role niya sa naturang pelikula?
“Ako po rito si David Chao, isa po akong guy from the past of Mayen (Kim) na magkakaroon ng importance sa kanya,” nakangiting saad niya habang nag-iisip kung paano ito ipapaliwanag na hindi magiging spoiler sa naturang pelikula.
Dagdag niya, “Abangan n’yo po kung ano ang magiging connection ko sa buhay ni Mayen, siguro I would say na may malaking kinalaman ‘yung role na ginagampanan ko sa magiging future niya,” saad ni Christian.
Matatakutin ka ba, in real life?
Saad ni Christian, “Ako personally depende siguro sa paniniwala, pero hindi po kaso ako naniniwala sa multo. Pero takot ako sa manok, sa buhay na manok. Hindi ko alam, pero ang lakas po ng takot ko sa manok.”
Tampok din sa pelikula sina Matteo Guidicelli, Alice Dixson, Robert Sena, Ina Raymundo, Beverly Salviejo, Isay Alvarez, Nanding Josef, Mon Confiado, Kakai Bautista, at Victor Silayan.
ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio