MASAYA si Agot Isidro na naging parte siya ng FPJ’s Ang Probinsyano na sa loob ng dalawang taon ay nangunguna pa rin at wala pa ring show ang nakatatalo.
Sa video message na ginawa ng aktres, binati nito ang bumubuo ng FPJAP at nagpasalamat na naging parte siya ng action-serye.
“Sana suportahan n’yo rin ang ‘Ang Panday’, entry namin sa Metro Manila Film Festival 2017, kasama rin po ako roon,” pag-anyaya nito. “Mayroon akong maliit na part doon,” sambit pa ng batikang aktres.
Hindi naitago ni Ago tang saya sa pagiging parte ng Ang Probinsyano. “Kapag nagpupunta ako sa probinsiya ang tawag nila a akin ‘úy nanay ni Joaquin, asawa ni Thomas, Mrs Tuazon.’ ‘Yan na minsan ang tawag nga sa akin, Mrs. Tuazon. Nakakatuwa nga eh, kilalang-kilala nila ang karakter ko.”
Inihayag din ni Agot ang paghanga kay Coco Martin bilang isang magaling na story teller. “I admire Coco so much,” anito. “During my last few scenes (sa Ang Probinsyano), ‘yung nabaril ako, siya talaga ‘yung mga nagdidirehe, (kahit) may mga director, pero may mga gusto siyang eksena. So nababali ng kaunti ang script pero if you know where he is coming from, tama naman eh.”
Sinabi pa ni Agot kung gaano ka-hardworking na tao ang actor. “Hindi ko nga alam kung natutulog pa siya eh. Sa araw-araw na taping namin, lalo na ngayon ginagawa pa niya ang ‘Ang Panday’. Hindi nawawala ang focus niya sa trabaho.
“He was really born to do it, to be a director, to be a good actor, to be a good story teller. Hindi lang ‘yung track ng character niya kundi ‘yung track ng buong story, his hard work paid off.
“Siguro ‘yun ang gusto niya mangyari and gusto niyang ma-fulfill sa life niya, maging a good storyteller,” giit pa ng aktres.
Ani Agot, isang maliit na karakter ang gagampanan niya sa Ang Panday na handog ng CCM Productions na idinirehe ni Coco at isa sa entry sa Metro Manila Film Festival 2017.
NOVEN, GAGAMITIN
ANG MUSIKA PARA MAGING
INSPIRASYON NG MGA TAONG
MAY PINAGDARAANAN
NAKAHIHINGA na ng maayos ngayon si Noven Belleza dahil natapos na ang problemang kinaharap niya noon. Kaya naman handing-handa na siyang harapin ang bagong yugto sa kanyang buhay at karera.
Aniya, nagpapasalamat siya sa mga taong nariyan pa rin sa tabi niya. “Nagpapasalamat ako unang-una sa Panginoon, sa pamilya ko, sa mga tao na hanggang ngayon nariyan sumusuporta sa akin. Gusto kong sabihin sa kanila na maraming-maraming salamat at lubos kong naiintindihan ang mga responsibilidad na dapat ko pang gawin sa inyo,” anang singer.
Sa mga karanasan niya huhugutin ang emosyon na handog ng kanyang bagong musika na siyang katuparan ng kanyang mga pangarap. “Marami akong inspirasyon ngayon. Hindi nawawala ang pamilya, kasi anuman ang problema na dumating sa ‘yo, nalulugmok ka man, nanghihina, wala kang ibang matatakbuhan kundi sila, pinakauna iyan. Pangalawa, sa mga taong sumusuporta sa akin, sa Novenatics ko.”
Sinabi ni Noven na nais niyang gamitin ang kanyang musika para maging inspirasyon ng mga taong may pinagdaraanan.
Kata sa paglulunsad ng kanyang nakaaantig na music video na tampok ang kanyang unang single na Tumahan Ka Na, ipinakikita ang mga pinagdaraanan ng pamilya, ng mga overseas Filipino worker at sundalo at maging ng mga sawi sa pag-ibig.
Patok nga agad ang single na Tumahan Ka Na dahil consistent number one ito at 10 linggo nang nananatili sa radio charts.
“Sa tingin ko maraming makare-relate sa mga kanta ko kasi pampasigla ng mga naaapi. Kung nanghihina ang loob mo, kung maririnig mo ang mga kanta ko, may magmo-motivate sa ‘yo na palakasin ka,” pahayag pa ni Noven.
Nais ding makapaghandog ni Noven ng mga awiting mananatili sa puso ng mga Pinoy, gaya ng ginawa ng kanyang mga iniidolo.
“Sa tingin ko, nami-miss na natin ang OPM dati. Gaya ng kay April Boy Regino, Martin Nievera, at sa Rockstar. Tumatak talaga ang mga kanta nila. Gusto kong ibalik ang mga ‘yun,” sabi niya.
Ilulunsad ngayong linggo ang album ni Noven mula sa Star Music.
At nang tanungin si Noven kung ano ang pinakamahalagang natutuhan niya matapos manalo sa Tawag ng Tanghalan, aniya, “Salat ka man sa buhay, pangit ka man o may kapansanan, hindi hadlang lahat ng ‘yun kung may pangarap ka. Lahat iyan maaabot mo basta magpursige ka at samahan mo ng dasal. Pero hindi lang puro pangarap, kailangan mo ring pagsikapan.”
SEVEN SUNDAYS
TEASER,
INI-RELEASE NA
INI-RELEASE na ng Star Cinema ang kauna-unahang teaser ng Seven Sundays na nagtatampok kina Ronaldo Valdez, Dingdong Dantes, Enrique Gil, Cristine Reyes, at Aga Muhlach.
Ang Seven Sundays, ay isang comedy film na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina. Ginagampan ni Valdez ang isang amang naghahanap ng atensiyon ng mga kanyang mga anak na abala sa kani-kanilang buhay.
Isang araw, inihayag ni Valdez sa kanyang mga anak na malapit na siyang mamatay kaya naman nangako ang kanyang mga anak na ide-dedicate ng mga ito ang kanilang Linggo sa kanilang ama.
Ang Seven Sundays ang muling pagbabalik-pelikula ni Muhlach after five years at ikaanim namang pelikula ni Dantes sa Star Cinema. Ito ang follow-up movie ni Gil pagkaraan ng matagumpay na My Ex and Whys nila ni Liza Soberano.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio