SABAY-SABAY na pumirma kamakailan ng kontrata ang magkakapatid na Gumabao—Kat, Michelle, at Marco sa Viva Entertainment. Apat na taon ang pinirmahan nilang kontrata.
Si Michelle, na nakilala bilang isang mahusay na volleyball player, co-captain ng De La Salle University women’s volleyball team, ay papasukin na rin ang mundo ng showbiz.
Sa pakikipag-usap namin sa magandang dalaga, natanong namin agad ito kung wala ba siyang planong sumali sa beauty pageant dahil bukod sa angking ganda at talino, maganda ang height niyang 5’10″. “Mayroon pong mga nagsasabi sa akin, pero wala po akong alam eh sa ganoong world. Pero lagi nilang sinasabi sa akin na kailangan kong magpapayat. So, ako naman if given the opportunity, feeling ko naman kaya. Pero, wala pa po talaga iyan sa ngayon.
“At saka very muscular po talaga ako dahil na rin I’m into sports. Iba ‘yung workout nila. Hindi sila nagbubuhat, eh ako grabe ako magbuhat,” panimula nito.
At sa pagpirma niya ng kontrata sa Viva, papasukin na nga niya ang pag-aartista. ”Opo, artista, host. Sabi ko naman po sa Viva, kahit ano, or any opportunity, I’m really open to experience and to try lang. Kasi kapag sinabing Michelle, kakabit na ‘yung volleyball lagi eh. ‘Pag hindi ko na kayang mag-volleyball, siyempre dapat alam ko kung saan din ako magaling na iba.”
Aminado si Michelle na wala pa siyang experience sa pag-arte at ang naging pagpasok lang niya sa Pinoy Big Brother ang nagbukas ng experience sa kanya sa showbiz.
Naikuwento ni Michelle na pumirma sila sa Viva dahil na rin sa paglapit ng talent agency na ito sa kapatid niyang si Marco na rating nasa pangangalaga ng Star Magic.
“Biglang napag-usapan na lahat kaming magkakapatid since wala kaming talent agency o nagha-handle sa amin. Doon nabuo ang Gumabao’s and Viva,” anito.
Hindi agad pinasok ni Michelle ang pag-aartista dahil ayaw ng kanilang inang si Loli Imperial-Gumabao. ”Ayaw siguro niya ‘yung buhay ni Papa (Dennis Roldan) na laging wala, laging busy. Kaya ayaw niya.
“Noong kinukuha ni Kuya Bobot si Marco ayaw talaga ni Mommy ko, pero si Marco talaga ang may gusto. Kaya ayun kahit ayaw ng Mommy ko, sinabi na lang niya na sige i-try niya, eh nagustuhan naman ni Marco. Kaya pinayagan na niya. Mas gusto kasi ni Mama na maging professional ang mga anak niya,” kuwento pa ni Michelle na kaya rin siguro pinayagan ng inang mag-artista ay dahil tapos na ito ng Marketing sa La Salle.
Ayon naman sa plano ng Viva, more opportunity sa hosting ang ibibigay sa kanya. ”Siyempre mayroon ding acting kasi wala pa naman akong background doon at alam. Sabi ko as of now willing akong matuto, willing to try in different field. Iba naman to see kung ano talaga. Kasi ang hosting I did it before eh sa college. It’s something I want to do.
“Nag-guest na ako sa ilang show sa ABS-CBN, maliit na role lang ‘yon. Sa isang show ‘yun nakalimutan ko na.”
Nang tanungin kung kinakabahan siya sa pagpasok sa showbiz, agad nitong sinagot na, ”Hindi naman po, makapal naman ang mukha ko, ha ha ha.”
Ini-request niya sa Viva na malinya siya sa pagko-kontrabida. ”’Yun nga ang sinabi ko sa Viva, kontrabida ang gusto ko. Willing ako at magaling ako riyan. Ang problema lang mga project,” na hindi talaga puwedeng siya ang inaapi dahil na rin sa laki at sa galing sa court ‘pag naglalaro ng volleyball.
Dennis, gumanda
ang relasyon
sa pamilya simula
nang maging Christian
Ukol naman sa kanyang amang si Dennis Roldan, nasabi nitong na-ospital ang ito dahil inoperahan ang large intestine. ”Okey naman po siya naoperahan po siya kaya medyo nagtagal sa ospital. Napayagan naman po siya, kaya lang doon sa accredited hospital na puwede. Ospital ng Muntinlupa, roon po siya.
“Successful naman po ang operation niya,” pagbabalita nito ukol sa kanyang ama at sinabing nakakadalaw naman sila once a month dahil na rin sa mahigpit na patakaran sa Muntinlupa na 30 minutes lang nila nakakasama.
Naibalita rin ni Michelle na malaki ang ipinagbago ng kanyang ama simula nang maging Christian. ”Nakilala niya talaga si God noong nasa loob siya ng kulungan. ‘Yung una niyang pagkakulong mabilis siyang nakalabas, one year lang yata kasi nakapag-bail siya. Tapos matagal siyang nasa labas noon. Eight years siguro.
“Malaki talaga ang ipinagbago kasi rati hindi kami laging nagtsi-church, hindi nagpa-practice o nagpi-pray as a family. Close naman kasi as a family. Pero noong nakilala naming lahat si God, na-store ‘yung relationship ng Daddy ko sa amin. Kasi si Daddy ko mas madalas sa labas siya noon eh. Nagwo-work lang siya lagi. Uuwi lang ‘yan para kumain o mag-hi pero lagi siyang busy. Pero simula noon, he makes time for us. Simula nang nakilala niya si God, naintindihan niya kung ano talaga ang role ng isang Daddy. ‘Yun talagang naging conscious siya, lagi na siyang nanonood ng games ko.”
Naikuwento rin niya na tanggap nila ang pagkakaroon ng mga kapatid sa labas. Lima sila sa original at tatlo sa labas pero maganda ang relasyon nilang lahat.
The Promise of Forever,
bibigyan ng ibang kahulugan
ang walang hanggan
KUNG pagbabasehan ang trailer ng The Promise of Forever na ipalalabas na sa Lunes, September 11, mula sa Dreamscape Entertainmentng ABS-CBN, maganda ang istorya at tiyak na kalulugdan na naman ng televiewers.
Bibigyan ng bagong kahulugan ng The Promise of Forever ang walang hanggan dahil imbes na maging susi sa masayang pagmamahalan, ito ang magiging hadlang para makamtam ng dalawang taong itinakda ang inaasan-asam nilang buhay at pag-ibig.
Gagampanan ni Paulo Avelino (Nicolas) ang lalaking tinaguriang ‘immortal man’. Hindi tumatanda at namamatay kaya naman hangga’t wala pang lunas ang karamdaman, titiyakin niyang hindi siya iibig sa sinuman para hindi masaktan ng paulit-ulit sa pagkamatay ng minamahal.
Si Ritz Azul naman si Sophia, ang batang iniligtas niya sa sunog. Dahil sa ikalawang buhay na ibinigay, gagamiting inspirasyon ni Sophia ang lalaking nagligtas sa kanya para magsikap at bigyan ng maayos na kinabukasan ang pamilya.
Ang lalaking hahadlang sa pagmamahalan nina Nicolas at Sophia naman ang gagampanan ni Ejay Falcon, si Philip na nagmamahal din kay Sophia na gagawin ang lahat para mapasakanya ang dalaga.
Kasama rin sa teleseryeng ito sina Tonton Gutierrez, Cherry Pie Picache, Amy Austria, Benjie Paras, Susan Afria, Ynna Asistio, at Nico Antonio. Ito ay mula sa direksiyon nina Darnel Villaflor at Hannah Espia.
Bukod sa magandang istorya ng The Promise of Forever, dadalhin din ang manonood sa magagandang tanawin ng Czech Republic, Belgium, Netherlands, at Poland.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio