BILIB kami sa pagkakawanggawa ng singer na si Token Lizares dahil hindi ito napapagod sa pagtulong. Basta’t may humingi sa kanya ng tulong, nariyan siya agad at bukas-palad sa pagbibigay ng tulong.
Tulad na lamang nang makausap namin ito isang araw at ipinakiusap na isulat namin ang ukol sa isang inang nangangailangan ng tulong para sa anak na may sakit sa puso. Ipinahanap niya iyon sa Facebook at sinabi niyang tulungan namin iyon para makakalap ng sapat na salapi para ipampaopera. Siya man ay nagpahatid din ng tulong sa mag-ina.
At sa Agosto 15 naman ay nagsanib-puwersa sila ni Joel Cruz para tumulong sa mga pamilya ng mga sundalo ng Marawi sa pamamagitan ng mini-concert na gagawin sa AFP Theater.
Ang malilikom nila sa konsiyerto ay ibibigay lahat sa pamilya ng mga sundalo ng Marawi at ngayon pa lang, sinasabing nakalikom na ang mga ito ng P3.5-M.
Bukod dito, abala rin si Token sa kanyang album, ang Token Lizares; Till The World Is Gone na nakapaloob ang mga awiting Till The World Is Gone, Ikaw Ang Sagot, Ganyan Ka Kamahal, Time Moves On, One at Life To Live. Ito ay likha lahat ni Vehnee Saturno.
Sa totoo lang, hindi nga napapagod si Token sa pagtulong lalo na sa mga may sakit. Aktibo siya sa pagtulong sa mga matatanda sa Negros Occidental at sa iba pang parte ng bansa. Maging sa pagbibigay-saya, pagpapakain, nariyan si Token. Kahit nga ang paghahanap ng pera para sa pagpapagawa ng mga orphanage, homes for the elderly, pagpapagawa ng simbahan, emergency room at government hospital, tumutulong din siya. Kaya hindi kataka-takang bansagan siyang The Charity Diva.
Ilan pa sa mga institusyong tinutulungam niya ay ang Holy Family Home, ABS-CBN’s Bantay Bata a Balay Dalangpan, St. Mary’s Home for the Aged, Boy’s Home, Calvary Home, Suntown Camp Foundation, Home for the Blind, Girls Home, Lingkod ER, Breast Care Foundation, Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital, Franciscan Sisters of St. Anthony.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio