NARINIG namin iyong interview kay Aiai delas Alas ng Radyo Veritas noong isang araw, na napag-usapan nila ang tungkol sa sakramento ng kasal. Sinasabi ni Aiai, na sa susunod na taon na sila magpapakasal ng kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan. Gusto rin niyang magpakasal sa simbahan para siya ay maging isang magandang halimbawa lalo na sa kanyang anak na babae. Gusto rin niyang ang pagsasama nilang dalawa ni Gerald ay maging forever na.
Malayo iyan sa mga karaniwang sinasabi ni Aiai sa mga interview niya noong araw. At alam naman nating hindi lang ngayon nagpakasal si Aiai. Pero kailanman, hindi pa nga naman siya naikasal sa simbahan. Kung sakali, sa mata ng simbahan, ngayon pa lang magpapakasal si Aiai. Dahil kahit na may mga batas ang estado na kumikilala sa mga naging kasal niya noong una, sa batas ng simbahan, ang kasal ay isang sakramento at maaari lamang isagawa sa simbahan. Ang anumang kasal sa labas ng simbahan ay hindi kinikilala ng simbahan. Kung kasal kayo sa sibil, live in pa rin ang turing diyan ng simbahan.
Palagay namin, nagbago ang takbo ng kaisipan ni Aiai sa kahalagahan ng kasal, hindi dahil sa nabigyan siya ng isang papal decoration, o hindi rin masasabing sobra siyang in love sa boyfriend niya ngayon, kundi kung minsan dahil sa ating maturity at dahil sa mga naging karanasan na rin natin sa buhay, mas natututuhan natin kung ano ang tama para sa ating buhay.
Tiyak iyan, may magsisipagtaas ng kilay sa mga sinabi ni Aiai. Alam naman ninyo sa showbusiness, minsan mababa ang moralidad. Pero sa palagay namin ang sinasabi niya ay tama. Maaaring hindi convenient ang pagpapakasal sa simbahan dahil wala ngang diborsiyo, pero iyon pa rin ang masasabi nating tama.
Kung iyon ngang mga bakla at tomboy nagpapakasal kahit alam naman nilang hindi legal iyon eh, iyon pa nga bang normal na pagpapakasal na legal, at binding ang hindi mo gagawin?
HATAWAN – Ed de Leon