SOBRA ang kagalakan ng masipag na komedyanteng si Paul Sy dahil sa projects na dumarating sa kanya lately. Sunod-sunod kasi ang blessings niya ngayon, bunsod sa pagdating ng bago niyang pelikula at TV show.
Mula sa pagiging mainstay sa sitcom na Home Sweetie Home na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz, may isa pa siyang TV series na ginawa ngayon. Pero, hindi pa raw ito puwedeng banggitin sa media.
Sa pelikula naman ay mayroon siyang entry sa Cinemalaya 2017. Ito ang, Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa na tinatampukan ni Rep. Alfred Vargas at mula sa pamamahala ni Direk Perry Escaño. After ng proyektong ito, may sisimulan na namang bagong movie si Paul, na target ay MMFF naman. Ito’y pinamagatang Ang Sikreto ng Piso with Rep. Alfred ulit at ni Direk Perry.
“Yes sir, sobrang thankful tayo na may mga dumarating na blessings,” masayang saad ni Paul na kilala rati bilang Waly Bayola Kalokalike.
Dagdag niya, “Na-realize ko po na sobrang blessed ko, dahil may sitcom ako, may teleserye, may Cinemalaya entry ako. At itong isa pang movie, kung papalarin ay magkakaroon din ako ng entry sa Metro Manila Film Festival. Kaya sobrang blessings po talaga ito sa akin.”
Sa tingin mo, ang pelikulang Ang Sikreto ng Piso ang biggest break mo?
Sagot ni Paul, “Actually kasi may unang mas lalabas dito, kasi kung ito ay sa December lalabas, may teleserye kasi na masasabing pinaka-biggest break ko rin. Pero sa pelikula, eto na nga po ‘yun.
“Sobrang thankful ako sa movie na Ang Sikreto ng Piso, kasi rito, iniba ko ‘yung mapapanood n’yo sa akin, pero nandoon ‘yung timing pa rin. Dito naman kasi, parang more on acting ang ipapakita sa akin ni Direk Perry, sabi ko nga pinapabawas ko, pero sabi niya, ‘Hindi huwag na, ayun ‘yung gusto kong makita sa iyo.’ So, iyon ang sabi sa akin ni Direk Perry.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio