MALI ang hula mo Tita Maricris. Hindi kami natuwa sa The Eddys dahil si Ate Vi (Vilma Santos) ang naging best actress. Hindi kami makapagsalita tungkol sa panalo ni Ate Vi dahil hindi namin napanood ang pelikula ng lahat ng kanyang nakalaban. Ang mas ikinatuwa namin sa The Eddys ay iyong pagpaparangal na ginawa sa dalawang beteranong editors, sina Joe Quirino at Manny Pichel, sa pamamagitan ng pagbibigay ng awards na ipinangalan sa kanila.
Iyang si Mang Joe, abogado iyan by profession ha, pero siya ang entertainment editor noon ng Daily Mirror at nang malaunan ng Manila Times. Si Mang Joe rin ang kauna-unahang entertainment writer na naging TV host. Ang programa niya noon sa Channel 5 ay Seeing Stars. Isa iyon sa mga naging top rater ng ABC 5.
Si Pichel ay unang naging entertainment editor ng Philippine Daily Express at pagkaraan ay sa Malaya. Isa rin siyang kinikilalang kritiko ng pelikulang Filipino.
Hindi naman maaaring sabay-sabay, pero siguro nga kung magdaragdag pa sila ng mga special award sa pagdating ng araw, marami pang entertainment editor at writer na maaaring maalala. Isa na riyan si Estrella Alfon, na isang Palanca awardee at opisyal ng National Press Club. Naging editor siya ng Movie Confidential bago mag-martial law. Noong martial law, siya mismo ang editor at publisher ng sarili niyang magazine, iyong Bituin.
Nariyan din ang kinikilala noong dekano ng mga movie writer, si Ernie Evora Sioco. Isa siya sa mga original founder ng unang samahan ng mga movie writer, bukod sa naging presidente rin ng FAMAS.
Nariyan din ang dating kolumnista, artista at naging film editor din, si Lilia Rianzares Andolong, na naging pangulo rin ng FAMAS. Noong panahon niya, gold plated ang trophy ng FAMAS at walang nabalitang lagayan, ang FAMAS pa ang nagbigay ng cash incentives sa lahat ng nanalo.
Iyan lang ang biglang pumasok sa isip namin, pero marami pang iba na marami rin ang nagawa.
HATAWAN – Ed de Leon