HALOS wala pang tulog si Mayor Richard Gomez nang makausap namin, kasi talagang marami ang dapat asikasuhin pagkatapos ng malakas na lindol na naranasan ng Ormoc noong isang araw. Kung sa bagay, masasabing hindi gaanong malaki ang problema dahil dalawa lang ang naireport na namatay sa sakunang iyon, pero may mga naputulan ng kamay, paa at iba pa na nananatili sa ospital. Dahil wala namang nadala ang mga pasyente, ang gobyerno rin ang nananagot ng kanilang pagpapagamot.
“Mabuti na lang nandiyan si Lucy dahil kung hindi talagang mas mahihirapan ako,” sabi ni Goma. Noong panahon ng Yolanda, si Lucy lang ang public official at tumutulong lang sa kanya si Goma. This time pareho silang nakapuwesto kaya nagkakatulungan na sila nang husto.
“Marami ang buildings na nagkaroon ng damage, pati nga ang City Hall. Pinapa-inspect ko munang lahat iyan sa City engineers namin dahil mahirap na eh. Iyong mga nawalan na naman ng bahay, problema na namang malaki iyan. Nagsisimula pa lang ngang bumangon mula sa Ondoy, lumindol naman. Pinababantayan ko rin pati ang commercial district, kasi kung hindi makababalik agad ang negosyo, maraming mawawalan ng trabaho at mas mahirap makabangon,”sabi pa ni Mayor Goma.
Tinukso nga tuloy namin siya, hindi ba mas masarap ang buhay ng isang artista?
“Oo mas masarap. Basta may kalamidad, sa bahay ka na lang muna. Magpahinga ka muna. Iyong trabaho naman mas magaan talaga. Iyong suweldo mas malaki. Rito mas matrabaho, iyong suweldo mo pa, wala ka nang maiuuwi dahil kulang pa sa rami ng humihingi ng tulong. Suwerte ko nga naging artista ako, nakaipon muna ako bago naging mayor. Kung hindi ang sakit siguro sa ulo.
“Pero iyong fulfilment eh iba. Parang nanalo ka ng sampung awards ng sabay-sabay. Para kang may limang box office hits na sunod-sunod. Masarap ang feeling na nakatutulong ka at pakiramdam ko kahit kaunti nakababayad ako ng utang na loob sa mga taong nagpasikat sa akin bilang artista,” sabi sa amin ni Mayor Goms.
HATAWAN – Ed de Leon