Friday , November 15 2024

Kapalpakan

MALIWANAG na nagkaroon ng malawakang kapalpakan kaya nakalusot ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na sumusuporta sa Maute group sa ginawang pananakop sa Marawi City.

Unahin natin sa panig ng gobyerno. Hindi maikakaila na nagkaroon ng kapabayaan sa pagkuha ng impormasyon kaugnay ng seguridad ng mga mamamayan at kapaligiran kaya hindi man lamang nila natunugan na kumikilos na ang ISIS at Maute.

Kapuna-puna na kahit nagtagal ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga terorista na pumasok na sa ikalimang linggo ay hindi nauubusan ng armas ang mga militante.

Ibig sabihin nito ay nakapaghanda nang husto ang ISIS at Maute bago pa naganap ang labanan. Nakapuwesto na sila sa mga barangay na papasok at palabas ng lungsod kaya madali nila itong naokupahan.

Hangarin nila na kontrolin ang lungsod at magsagawa ng kabi-kabilang mga pambibihag upang maipakita sa mundo kung ano ang magagawa ng ISIS sa Filipinas. Kaya agad ikinalat at itinanim ng Maute group ang mga bandila nila na kulay itim sa lungsod.

Nakapag-imbak din sila ng matataas na kalibre ng baril, bala, bomba at pati mga magagamit sa pagbuo ng booby trap laban sa mga militar sa mga kuweba at kabahayan sa tulong ng mga kaanak, kaibigan at kasabwat.

Paano ito nakalusot kung totoong mahigpit na nakabantay ang puwersa ng gobyerno? Wala silang kaalam-alam na nag-iipon na pala ng armas ang kanilang mga kalaban.

Pero ang kapalpakang ito ay hindi masisisi o masasabing pananagutan lamang ng ating militar. Dapat may pagkakaisa ang mga lalawigan, lungsod, munisipyo at pati na mga barangay upang maging masinsinan ang laban sa terorismo.

Responsibilidad ng mga sibilyan, komunidad, militar at pati na ng pulisya na magbahagi ng kanilang nalalaman sakaling may panganib sa seguridad.

Pero dahil nakalusot at naitago ang mga armas ng mga terorista ay maliwanag na pinabayaan ito ng ibang mga residente kahit nasaksihan nila ang nagaganap na pag-iimbak. Hindi rin maitatanggi na maraming residente na tagasuporta o nakikiisa sa mga terorista.

Hindi ba’t nang magsalita si President Duterte sa harap ng mga nagsilikas na residente ng Marawi na napunta sa Iligan City ay hindi niya napigilan ang maglabas ng sama ng loob?

Kinuwestiyon niya kung bakit nila pinahintulutang makapasok ang ideolohiya na walang ginawa kundi patayin ang mga kapwa nila Muslim sa Gitnang Silangan at sa iba’t ibang lugar.

Kung nais nating labanan ang terorismo, sa halip magkanya-kanya ay magkaroon ng pagkakaisa upang hindi sila makapaghasik ng lagim sa ating kapaligiran.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *