IBANG Matt Evans ang mapapanood sa pelikulang The Maid In London na mula sa CineManila.UK Ltd. For a change, hindi bading ang papel ni Matt sa pelikulang ito na pinamamahalaan ni Direk Danni Ugali.
“Masaya ako, kasi nabigyan ako ng chance para sa ganitong role. Mas nakata- challenge at saka aminado ako, natututo ako lalo,” wika ni Matt.
Kapag may ibang tao na akala ay bading ka talaga, dahil sa napanood ka nila sa TV o pelikula, ano ang napi-feel mo?
Nakangiting sagot niya, “Actually para sa akin compliment iyon, kasi ibig sabihin ay nagampanan ko talaga ‘yung role ko.”
Matatandaang parang na-type cast si Matt sa gay roles, sa TV man o pelikula, dahil sa galing niyang mag-portray ng ganitong karakter. Pinakahuling napanood siya bilang gay sa The Greatest Love bilang si Andrei. This time, bukod sa lalaki si Matt sa nasabing movie, asawa niya rito si Andi Eignemann na gumanap bilang kapatid niya sa TGL.
Paano niya ide-describe ang pelikulang ito at ano ang role na kanyang ginagampanan dito? ”Ito ay isang pelikula na punong-puno ng pangarap at pag-asa. Sobrang lapit sa re-yalidad ng pelikulang ito.”
Dagdag pa niya, “Ako po rito si Ben Santiago. Ako po ang gumanap na asawa ni Margo na pinagbidahan ni Andi (Eigenmann).”
Sa The Greatest Love ay magkapatid kayo ni Andi, pero rito ay mag-asawa kayo, may ilangan factor ba? “Wala po, kasi comfortable na kami sa isa’t isa. Masaya po ako noong nalaman ko na si Andi ulit ang makakatrabaho ko.”
May love scene ba kayo sa movie ni Andi? “Secret po, hahaha!” Nakatawang sagot ni Matt.
May nag-react ba na parang incest ito? ”Wala naman po. Marami nga po ang natutuwa kasi magkasama ulit kami ni Andi,” esplika ni Matt.
Bukod kina Matt at Andi, tampok din sa The Maid in London sina Polo Ravales, Joshua De Guzman, Janice Jurado, Rina Reyes, Channel Latorre, Tere Gonzales, Star Orjaliza, at iba pa.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio