MARAMI na rin palang fans ang X-Factor Philippines at Macau Kotai Jazz Festival finalist na si Mark Mabasa kahit sa bansang Japan.
Noong Marso ay nagtungo si Mark sa Japan para bisitahin ang ilang malapit na kamag-anak na roon naninirahan.
Pero ‘di sinasadyang nakatagpo ng world class singer na si Mark ang isang dating Pinay entertainer at malapit na kaibigan ng kanyang parents na tulad niya ay mga dating musician na matagal nagtanghal sa Japan noong mga dekada ‘70 hanggang ’80.
Ang nasabing Pinay ay matagal nang naninirahan sa Japan at nakapag-asawa ng Hapones na kasalukuyang top executive ng isang malaki at kilalang broadcasting station sa Tokyo.
Agad iginawa ng Japanese radio executive ng schedule na maging guest si Mark at siya ang kauna-unahang Pinoy at foreign artist na naimbita sa 88.5 Shibuya Cross-FM sa Tokyo.
Sa kanyang impromptu performance, kinilig pati ang mga sikat na DJ-host ng Happy Stage na sina Seiko Hashimoto, Rinna Ishikawa, Yumesaki Airi, at Ayaka Kamiguchi kaya’t tumagal ng halos isang oras ang interview kay Mark, kasama ang naatasang interpreter ng radio station.
Kasalukuyang pinaplantsa ang alok ng isang Japanese producer sa ibang guesting at concert tour ni Mark sa Japan.