NOONG simulan ni Mayor Antonio Villegas ang Manila Film Festival noong 1966, layunin niya ba maipakita na ang Filipino ay nakagagawa rin ng mahuhusay na pelikula, at patunayan ding ang mga pelikulang Filipino ay maaaring kumita ng kasing laki, o mas malaki pa sa mga pelikulang Ingles na siyang namamayani noon sa mga sinehan sa Lunsod ng Maynila.
Iyon ang dahilan kung bakit bukod sa mga award para sa mahuhusay na pelikula, mayroon siyang natatanging award para sa “top grosser” na pelikula. Naging successful si Villegas, dahil unti-unti napasok na ng pelikulang Filipino ang mga malalaking sinehan. Bago iyon, ang mga pelikulang Filipino ay ipinalalabas lamang sa Life, Globe, Center at Dalisay. Ginagamit din ang pelikulang Filipino bilang intermission sa mga stage show sa Clover at Manila Grand Opera House.
Pero ngayon, dumami ang mga film festival dahil sa layunin ng ibang tao na maipalabas sa mga sinehan ang mga pelikulang indie na hindi kumikita. Ang resulta, nalulugi ang sinehan, wala ring nanonood. Simple lang ang dahilan, iyang mga indie masyadong tinitipid. Walang promo iyan, sa Facebook lang. Hindi puwedeng sa social media lang ang promo. Iyan ang dahilan kaya bumabagsak ang mga pelikula. Hindi puwedeng sirain ang star system. Papalitan mo ng mga artistang hindi kilala ang mga sikat na hinahangaan ng masa, aba eh nagsu-suicide ka. Kahit na anong festival ang gawin ninyo flop pa rin iyan, at hanggang ang mga pelikula ninyo ay hindi kumikita wala kayong binatbat.
Ang dapat, tinutulungan ang gumagawa ng pelikula para ang ginagawa nila ay matanggap ng masa. Basta kumita iyan, marami ang mamumuhunan at mabubuhay ulit ang industriya. Pero habang ipinipilit ninyo ang mga pelikulang low budget, at hindi gusto ng masa, hindi makababangon ang industriya. Malulugi ang mga sinehan. Malulugi rin naman ang mga financier ng pelikula. Walang makukuhang tax ang gobyerno. Ang matutuwa ay ang mga distributor ng pelikulang Ingles, dahil sa kanila nabubuhos ang perang pampanood ng sine ng mga tao. Ganyang klase ba ang gusto ninyong “film development”?
HATAWAN – Ed de Leon