BINIRO namin sa isang panayam ang versatile na actor na si Mon Confiado na kung si Rosanna Roces dati ay tinawag na Curacha, Ang Babaeng Walang Pahinga base sa pelikula ng aktres, siya naman ang male version nito dahil kaliwa’t kanan ang ginagawa niyang pelikula ngayon.
Ang sagot sa amin ni Mon, “Medyo luma na ang term na lalaking walang pahinga… parang mas bago ang The Many Faces of Mon Confiado. Ibig sabihin iba’t ibang roles, ibat ibang proyekto. Hahaha!”
Dagdag niya, “Ang sabi nila, ang isang maganda raw sa pagiging aktor ko ay ang pagiging bida-kontrabida ko. Ibig sabihin, puwede akong magbida at nadadala ko ang pelikula. At lalong napakasarap pakinggan na isa raw ako sa pinaka-effective na kontrabida. Malaking bagay sa palagay ko ang kategorya kong ‘yun sa pagiging actor, kaya kahit paano ay nakakasali ako sa magagandang pelikula.
“May mga tumatawag sa akin ng The Chameleon, Johnny Depp of the Philippines at iba pa. At ako’y nagpapasalamat sa mga nakapapansin ng aking dedikasyon at tiyaga. Isang malaking kara-ngalan sa akin ang mga komentong ganyan.”
Kabilang sa mga pelikulang natapos na o tinatapos ni Mon ang Bagtik (Chito Roño), Mga Gabing Mahaba Ang Buhok Ko (Gerardo Calagui), EJK (Roland Sanchez) El Peste (Richard Somes) Stateside (Marcial Chavez), Ang Guro Kong Hindi Marunong Magbasa (Perry Escaño), The Ghost Bride (Chito Roño), Double Barrel (Toto Natividad). Turncoat, (Marcial Chavez), Goyo: Ang Batang Heneral (Jerrold Tarog).
Paano mo ide-describe ang pagmamahal mo sa profession mo?
Esplika niya, “Buhay. Buong Buhay ang inaalay ko sa profession na ito. Nagsimula ako sa wala at ibihuhos ko ang buong buhay ko nang mahigit 20 taon para makapasok sa larangang ito. At hanggang ngayon hindi ako tumitigil mag-aral, mag-reserach at matuto. Hindi madaling magpapayat o magpataba para sa isang role. Hindi madaling mag-aral ng iba’t ibang lengguwahe o accent. O mag-immersion o aktwal na damhin ang tunay na nararamdaman ng isang karakter.
“Ilang beses na akong nag-collapse sa kada-diet! Ilang beses na akong halos maospital sa kakapataba! Mga delikadong bagay na pinapasok ko at tunay na dinadama. Pakalbo, magbilad para umitim, matulog sa kalye, tumira sa rehab, mag-train bilang sundalo at marami pang iba. Hindi ito madali lahat. Buhay at kalusugan ang nakataya nang hindi iniisip kung may bayad ba o wala ang ginagawa ko bilang aktor.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio