SOBRA ang tindi ng impact sa mga suking manonood ng The Greatest Love sa umereng espisode last Monday, March 27. Finally kasi, nakasal na rin sina Gloria (Sylvia Sanchez) at Peter (Nonie Buencamino).
Sari-sari ang reaction ng viewers sa naturang episode, marami ang natuwa, kinilig at napa-iyak. Sa isang simbahan sa Silang, Cavite ginanap ang kasalang Gloria at Peter at nag-trending at nanguna ang#TGLTheWeddingDay.
Ilang minuto matapos umere ng TGL, nakipag-chat kami kay Ms. Sylvia upang batiin siya sa napakagandang episode ng TGL. Inusisa rin namin ang multi- awarded actress kung ano ang reaction niya sa mga papuring natatanggap ng kanilang TV series.
Sagot niya sa amin, “Masaya, kasi masarap magtrabaho ‘pag mga co-stars mo ay magagaling. Nagkakatulungan kayo sa bawat eksena, ensemble kayo at lalabas na magandang tingnan.”
Dagdag pa niya, “Sobrang maraming salamat sa lahat ng mga nanood at sumuporta.”
Totoo po bang malapit nang magtapos ang TGL? “Oo, kailangan nang tapusin, kasi ay wala nang patutunguhan ang kuwento. Tungkol kasi talaga ito sa Alzheimer’s.”
In the future kaya, mayroon pang mas challenging na role na kayang pantayan ang ginawa ninyo bilang si Gloria sa The Greatest Love?
“Iyan ang hindi ko masabi. Kasi malala yung Gloria, tatak yung Gloria. Hopefully di ba? Pero bahala na ang Diyos, lagi naman na ako, alam mo yon? Yung kasunod kong project, hindi ko na alam, ipinagpapasa-Diyos ko na lang, kasi kumapit naman ako sa Kanya mula noon hanggang ngayon, di ba?
“Sino bang mag-aakala sa 27 years na sa showbiz career ko, eto ngayon. Kung kailan 45 ako, di ba sinasabi ko nga kung kailan ako… dati ang sexy, bata, presko ako, pero supporting lang, alam mo yung ganoon? Pero ngayon, kung kailan ako tumanda, nag-45, biglang boom! Eto talaga, talagang pana-panahon lang. Alam mo yun? Iyong kapag sa iyo, sa iyo.”
Inusisa rin namin si Ms. Sylvia kung hindi ba nagseselos ang husband niyang si Mr. Art Atayde kapag may sweet moments sila ni Peter (Nonie) or my kissing scene tulad kanina sa kasal?
“Siyempre ay nagseselos din, pero naiintindihan naman niya na trabaho ko iyon.
“Okay lang kapag trabaho, pero ibang usapan na iyon kapag hindi trabaho, hahaha!” Nakatawang reaksiyon pa niya sa tanong namin.
Nabanggit pa ni Ms. Sylvia sa amin na kaya siya hindi makatanggap ng movie projects ay dahil sa sobrang hectic ng schedules niya sa TGL.
“Actually, mayroon nga akong natatanggihan na mga Cinemalaya, mayroon akong gustong-gustong gawin na Cinemalaya pero natanggihan ko. Kasi ganito, Monday, Tuesday, Wednesday, Friday, ang taping namin. ‘Pag nagkagipitan, ginagamit pa namin pati yung Thursday. Basta yung Monday hanggang Friday, tambay yan for ano-nakareserve ‘yan for TGL. Ngayon iniisip ko, pumasok ang indie, kinukuha nila yung Thursday ko, Friday, Sunday… Okay lang sana yung Saturday, Sunday ng sabihin nating dalawang beses lang (sa isang buwan) yung Sunday. Hindi eh, buong January, February, March, kukunin yung weekend ko. So sabi ko nga, ano pang panahon ko sa asawa at mga anak ko?
“Si Arjo, hindi na kami nagkikita talaga dahil yung serye niya, si Ria rin. Eh eto, 13 years old si Gela, tsaka si Xavi, 7. Papaano pa? Alam mo yon? Kasi hindi ko mamo-monitor si Gela, siyempre, eto na yung stage ng pagdadalaga niya, gumagawa na yan ng sariling mundo, kaya kailangan mong abangan ang sungay. Baka magkasungay, eh, anuhin mo yun, putulin. Eh paano ko magagawa yon kung wala akong ano (time sa kanila), di ba? Kasi magiging seven days-the whole week ako magtatrabaho, eh.
“Tsaka sabi ko nga, papaano naman din yung pagiging asawa ko, may asawa rin akong tao, eh. Tawa nga nang tawa (si Mr. Art), sabi ko nga, ‘Baka mamaya ‘pag bukas ko sa kuwarto ko, iba na ang kasiping niya,’ Hahaha! Ay nako!” Nakatawang bulalas pa ng batikang Kapamilya aktres.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio