KALIWA’t kanan pa rin ang mga project ng versatile actor na si Mon Confiado. Kabilang sa ginagawa niya ang Bagtik na pinagbibidahan ni Christian Bables. Nakatakda rin niyang gawin ang The Ghost Bride at Goyo: Ang Batang Heneral na sequel ng matagumpay na Heneral Luna ni John Arcilla.
Si Mon si Heneral Emilio Aguinaldo sa Heneral Luna at sa bagong pelikula ni Direk Jerrold Tarog, si Paulo Avelino ang gaganap bilang Heneral Gregorio del Pilar.
Mapapanood din si Mon sa pelikulang Stateside na kinunan sa Amerika at partly sa Filipinas. Ang pinagbibidahan niyang movie ay mula sa direksiyon ng Fil-Am na si Marcial Chavez at produced ng Fil-Am na si Francis Fabiculanan. Kasama rito ang mga Hollywood actors na sina Olivia Hultgren, Ryan Walker, Craig Cooper, Jose Rosete, Shaw Jones, Scott Engrotti, Marcus Natividad, Abe Pagtama, at iba pa.
Ano ang obserbasyon mo kay Christian?
Sagot ni Mon, “Hanga ako kay Christian Bables. Grabe ang dedikasyon nya sa kanyang larangan. Doon ako bilib na bilib sa mga kapwa ko aktor. Pagdating sa dedikasyon at passion. Idagdag mo pa ang talento. ‘Yan si Christian Bables. Sa loob ng mahigit dalawang linggo namin sa isla na halos dalawang oras lang araw-araw ang tulog niya, sunog sa araw at babad sa dagat, wala kang maririnig ni isang reklamo o angal na siya ay pagod na. Kahanga-hanga para sa isang baguhan. Malayo ang mararating ng batang ito.”
Kay Paulo naman, masasabi mo bang bagay sa kanya ang role na Heneral del Pilar? “Bagay na bagay talaga kay Paulo Avelino si Heneral Gregorio del Pilar. Kasi talagang pareho silang guwapo ni Goyo at may tindig si Paulo ng isang Heneral. Wala akong ibang maisip na puwedeng gumanap ng Goyo kundi si Paulo Avelino.
“Kaya naman sa Heneral Luna pa lang, siya na rin ang nasa-isip ng aming director na si Direk Jerrold Tarog. Napakamapanghamon ng karakter ni Heneral Goyo. Kasi bukod sa kanang kamay siya ni Presidente Aguinaldo na matapat na tagasunod at matapang, marami rin nagkakagustong babae sa kanya. Halos bawat bayan ay mayroon siyang nobya. Kaya abangan nila si Paulo Avelino rito.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio