Pinoy Archers, umani ng 13 ginto sa Singapore
NAGNINGNING ang kampanya ng Team Philippines matapos makapagdagdag ng limang gintong medalya at dalawang pilak sa huling araw ng 2026 Singapore Youth Archery Championships sa Bukit Gombak Stadium sa Singapore.
Tinapos ng mga batang Pinoy archer ang torneo sa kahanga-hangang paraan sa individual events, laban sa mga kalahok mula sa China, Hong Kong, Chinese Taipei, Malaysia, Indonesia, Thailand, Australia, Laos, Pilipinas at Singapore.
Matapos ang tatlong araw na kompetisyon, mag-uuwi ang Team Philippines ng kabuuang 13 ginto, 10 pilak at pitong tanso, patunay na patuloy na umaangat ang antas ng Philippine archery sa ilalim ng paggabay ng mga world-class coach mula sa South Korea.
Nagwagi ng gintong medalya sina Mariano Matteo Medina sa U15 Recurve men’s, General Marc Bangoy sa U18 Recurve men’s, Leila Jell Cano sa U18 Recurve women’s, Mateusz Vaughn Johnson sa U18 Compound men’s, at Abigail Lim sa U21 Compound women’s.
Samantala, nag-uwi naman ng pilak sina Chass Mhavien Colas sa U18 Recurve men’s at Zac Zayco sa U18 Compound men’s.
“Perfect bullseye,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio, na personal na sumubaybay sa live feed ng torneo mula sa Maynila.
“Ito ang muling pagbangon ng Philippine archery,” ani Gregorio. Dagdag pa niya, patuloy na ibibigay ng PSC ang buong suporta sa World Archery Philippines, sa pangunguna ni Bing Reaport, upang lalo pang mapaunlad ang programa ng asosasyon.
Nagsimula ang pagbangon ng Philippine archery noong nakaraang taon nang kunin ng PSC ang serbisyo ng South Korean coaches na sina Ryu Su Jeng, na naggiya sa South Korea sa limang gintong medalya sa 2016 at 2020 Olympics, at Hong Sung Chil, isang world champion na nagkamit ng ginto sa 1999 World Championships.
“Nagpapasalamat kami kay PSC Chairman Patrick Gregorio at sa buong PSC Commissioners sa kanilang walang sawang suporta. Ito ang unang international tournament ng ating youth team at napakaganda ng naging bunga nito sa kabuuang 30 medalya—13 ginto, 10 pilak at pitong tanso,” ani Reaport.
Ayon pa kay Reaport, nagsisimula nang mamunga ang ilang buwang pagpaplano at pagsasaayos ng kanilang programa.
“Unti-unti na naming nakikita ang bunga ng rebuilding journey na ito. Sa tulong ng PSC, nasa tamang direksiyon ang Philippine archery. Nakikita na natin ang susunod na henerasyon ng mga archer mula sa ating grassroots program,” dagdag niya.
“Panahon na upang maibalik ang ginintuang panahon ng Philippine archery,” ani Reaport, na nagsabing uuwi na sa bansa ang mga miyembro ng Team Philippines mula sa Singapore ngayong gabi.
“Para sa bayan ito,” pagtatapos ni Reaport. (PSC/HNT)
