PSC, MMDA magdaraos ng Watch Party para sa makasaysayang kampanyang Wimbledon ni Alex Eala
MAGKATUWANG na magdaraos ang Philippine Sports Commission (PSC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng isang pampublikong watch party sa Philsports Arena ngayong Lunes, 6 Hulyo, bilang suporta sa makasaysayang kampanya ng Filipina tennis star na si Alex Eala sa Wimbledon.
Sabay-sabay na masisilayan ng mga tagahanga ang laban ni Eala kontra sa katunggaling Italiana na si Jasmine Paolini sa Round of 16. Magbubukas ang mga gate dakong 5:30 ng hapon at libre ang pagpasok sa mga mauunang dumating.
Pinuri ni Ferdinand Marcos, Jr., ang pambihirang tagumpay ni Eala, na aniya’y tagumpay ng buong sambayanang Filipino at patunay ng husay at katatagan ng lahi.
“Malaking karangalan para sa bansa ang tagumpay ni Alex. Ang watch party (na ito) ang aming paraan upang pag-isahin ang mga Filipino sa pagdiriwang ng kanyang paglalakbay at ipakita sa kanya na nasa likod niya ang buong bansa,” ani PSC Chairman Patrick Gregorio.
Ang naturang programa na inihahandog ng PSC, MMDA at Philippine Tennis Association (PHILTA) ay inaasahang makatatanggap ng hanggang 8,000 manonood.
Bukod sa laban ni Eala, mapapanood din ng mga dadalo ang sagupaan ng Gilas Pilipinas laban sa Australia sa FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers na magsisimula 6:30 ng gabi.
“Ang MMDA ay buong pusong sumusuporta kay Alex at sa iba pang atletang Filipino na kumakatawan sa bansa sa pandaigdigang entablado bilang bahagi ng aming layunin na palakasin ang pagmamalaki sa bayan at pagkakaisa ng mga mamamayan sa Metro Manila,” pahayag ni MMDA Chairman Don Artes.
Sa tulong ng Cignal, PLDT, MediaQuest, Smart at MVP Sports Foundation, mapapanood din ang laban sa pamamagitan ng livestream sa Filipinas Live upang masubaybayan ito ng mga Filipino sa buong bansa.
Ayon kay MediaQuest Holdings Inc. President at CEO Ricky Vargas, ang watch rally ay handog ng negosyante at sports patron na si Manny V. Pangilinan sa publiko bilang pagdiriwang ng kanyang ika-80 kaarawan sa darating na 14 Hulyo.
Nakapasok si Eala sa Round of 16 matapos pabagsakin ang defending champion at world No. 3 na si Iga Świątek noong Sabado, 4 Hulyo.
Dahil sa naturang panalo, naging kauna-unahang Filipina si Eala sa Open Era na umabot sa ikaapat na round ng isang Grand Slam. Ito rin ang kanyang ikapitong panalo laban sa isang top 10 player at ikatlong tagumpay sa grass court.
“Sa PHILTA, lagi namin sinasabi na Tennis Transforms. Hindi lamang nito binabago ang laro kundi pati ang buhay. Itinuturo nito ang disiplina, katatagan, kompiyansa at nagbubukas ng mga oportunidad na dati’y tila imposibleng maabot,” ani PHILTA Secretary General at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
Nangunguna na ngayon si Eala kay Świątek sa kanilang head-to-head record, 2-1, na kanya rin tinalo sa 2025 Miami Open. Umakyat ang kanyang WTA ranking mula No. 32 patungong inaasahang No. 28, habang bumaba sa No. 6 si Świątek.
Suportado ang watch party ng pamahalaang lungsod ng Pasig sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto upang matiyak ang maayos na daloy ng mga dadalo at pamamahala sa inaasahang malaking bilang ng mga manonood. (PSC/HNT)
