ANG Federation Internationale de Volleyball (FIVB) Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 ay isang pagkakataon para sa mga Pilipino na ipakita sa pandaigdigang komunidad na ang bansa ay bahagi ng internasyonal na larangan ng palakasan.
Ito ang sinabi ni William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, co-chairperson ng FIVB MWCH Local Organizing Committee, sa ginanap na “Spike For A Cause” Fundraising Dinner at Fashion Show nitong Sabado ng gabi sa Foro de Intramuros sa Intramuros, Maynila.
“Isa itong bihirang pribilehiyo na mag-host ng ganitong klaseng pandaigdigang kaganapan, lalo na’t isa sa mga paboritong isport ng bansa ang volleyball. Natutuwa ako na maraming taong interesado sa volleyball,” dagdag ni Marcos. “Lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat sa buong pusong suporta.”
Dumalo rin sa event sina Senador Alan Peter Cayetano, Senadora Pia Cayetano, Senador Mark Villar, at Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum, kung saan tampok din ang likha ng isang kilalang fashion designer.
Ang men’s national team, ang Alas Pilipinas, na lalaban sa world championship mula Setyembre 12 hanggang 28 sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena, ay kabilang sa mga tampok sa okasyon. Naroon din sina Rebisco Corp. president Geronimo Kamus Jr., Honda representative Hiroaki Nakamura, at Dentsu Philippines chief client officer.
“Ang pagho-host ng world championship ay akma sa nation building, sa pagbuo ng mas maayos na komunidad, at nagtuturo ito ng disiplina, sakripisyo, at pagtutulungan,” sabi ni Senador Alan Peter Cayetano sa event kung saan binigyang-parangal ang Rebisco at Honda sa kanilang suporta sa world championship na lalahukan ng 32 pinakamahusay na volleyball teams sa buong mundo.
Nagpasalamat si Ramon “Tats” Suzara, presidente ng Philippine National Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation, kay First Lady Liza Araneta Marcos sa pagbibigay-halaga sa world championship na 75 araw na lamang ang hinihintay. Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga stakeholder, industriya ng negosyo, at mga indibidwal na tumutulong sa tagumpay ng event.
“Ang layunin at bisyon natin, gaya ng binanggit ni Chairperson Vinny Marcos, ay ang makinabang sa makapangyarihang impluwensiya ng sports,” ani Suzara. “Bawat laban ng Alas Pilipinas ay laban ng bawat Pilipino, para sa isang Bagong Pilipinas.” (HNT)