BINAWI ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lisensiya ng 10 driver ng Victory Liner, 6 konduktor habang dalawa sa Solid North matapos magpositibo sa random at surprise drug test.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang desisyon ay batay sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013) at Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code, partikular na nagsasaad ng pagbabawal sa pagmamaneho laban sa mga nasa ilalim ng impluwensiya ng ilegal na droga.
“In the case of these people, mas matindi ang requirement ng obligasyon sa kanila dahil they are driving and catering to the public transportation needs,” ayon kay Mendoza.
Ang mga natanggalan ng lisensiya ay 10 driver mula sa Victory Liner habang anim na lisensiya ng mga konduktor sa parehong kompanya ng bus ang binawi rin.
Sa kabilang banda, sinabi ni Mendoza na binawi rin ang lisensiya ng dalawang konduktor ng Solid North Transport, Inc.,na nagpositibo rin sa isinagawang drug test noong 5 Mayo.
“Aside from revocation of the licenses, they were also perpetually disqualified from being granted with both the driver’s license and conductor’s license,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Kaugnay nito, binalaan ng LTO chief ang mga motorista na mahigpit na sumunod sa patakaran ng gobyerno at maging magalang, disiplinado at responsableng mga driver. (ALMAR DANGUILAN)