ARESTADO ang tatlong menor de edad sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Biñan, lalawigan ng Laguna nitong Huwebes, 8 Disyembre.
Sa ulat kay P/Col. Randy Glenn Silvio, Acting Provincial Director ng Laguna PPO nabatid na pawang mga menor de edad ang mga nadakip na suspek.
Ayon kay P/Lt. Col. Virgilio Jopia, hepe ng Biñan CPS, nagkasa sila ng buy-bust operation dakong 3:25 am sa Purok 7, Barrio Matamis, Brgy. San Vicente, sa naturang lungsod na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek matapos magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa police poseur buyer kapalit ang buy-bust money.
Nakompisma mula sa mga suspek ang anim na pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na aabot sa pitong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P45,500; isang coin purse na naglalaman ng P400; at buy-bust money.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Bahay Pag-asa ang mga naarestong menor de edad na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Samanatala, isusumite ang mga kompiskadong ebidensiya sa Crime Laboratory para sa forensic examination.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Hindi tumitigil ang ating mga pulis sa Laguna sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra droga para sa isang mapayapa at tahimik na lalawigan ng Laguna.” (BOY PALATINO)