Face shield ayaw ni Isko sa Maynila
NAIS IPAGBAWAL ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Maynila ang pagsusuot ng face shield sa gitna ng pandemyang dulot ng CoVid-19.
Ayon kay Mayor Isko, gagawin lamang niya ito kapag nabakunahan na ang mayorya ng mga Filipino at naabot na ang herd immunity.
Sa ngayon, wala pa naman aniyang pangangailangan para ipagbawal ang pagsusuot ng face shield.
Ayon kay Mayor Isko, dagdag gastos lang kasi ang face shield gayong wala namang siyentipikong pag-aaral na mabisa ito bilang pangkontra sa CoVid-19.
Sinabi ng alkalde, facemask na lamang ang maaaring isuot kung humupa na ang pandemya.
Aniya, Filipinas na lang ang bukod-tanging bansa na gumagamit ng face shield.
Panahon na umano para muling pag-aralan ito upang maibsan ang gastusin ng taong bayan.
Dapat umanong ikonsidera na ilan sa mga nagsusuot ng facemask at face shield ay nahihirapang huminga lalo ang mga may sakit sa puso at baga.