BOLUNTARYONG sumuko ang isang pastor na umamin sa pamamaslang sa babaeng nursing student sa lungsod ng Calapan, lalawigan ng Oriental Mindoro, nitong Lunes ng umaga, 9 Nobyembre.
Nagtungo ang pulisya sa pangunguna ni P/Col. Gerry Laylo, hepe ng Regional Intelligence Division ng PRO4-A, sa isang simbahan sa Legarda St., Quiapo, Maynila, matapos makatanggap ng impormasyon na doon nagtago ang suspek.
Mapayapang sumuko ang suspek, binasahan ng kaniyang mga karapatan at pinosasan saka ibinalik sa lungsod ng Calapan.
Nabatid na isa pang pastor sa naturang simbahan ang humikayat sa suspek na sumuko.
Sa panayam, inamin ng suspek na siya ang responsable sa pagpatay sa biktima at sinabing naging magkarelasyon sila sa loob ng mahigit isang buwan.
Ayon sa suspek, bina-blackmail siya ng biktima para akuin ang kaniyang pagbubuntis kahit walang nangyari sa kanila.
Dagdag ng suspek, nagtungo siya sa Calapan upang pagbigyan ang hiling ng biktima na ayusin ang kanilang hindi pagkakaunawaan.
Aniya, sinundo siya ng biktima gamit ang hiniram na motorsiklo saka siya dinala sa madilim na bahagi ng kalsada sa Brgy. Sapul upang mag-usap.
Nagpasama rin umano ang biktima na umihi sa madamong bahagi ng lugar at bigla na lamang bumunot ng patalim saka siya tinangkang saksakin.
Nagpambuno umano silang dalawa hanggang maagaw niya ang patalim at masaksak ang biktima.
Pahayag ng suspek, “Nahawakan ko po siya sa leeg tapos sinakal ko. Piniga ko po nang maigi ‘yung kanyang leeg hanggang nawalan siya ng malay. S’yempre natakot din ako na baka kapag nabuhay siya, magsumbong. Makukulong din po ako, mapaparusahan. Kaya ang ginawa ko po para sigurado, sinaksak ko na po ‘yung kanyang leeg para mamatay pati po ‘yung dibdib at ‘yung sa tiyan.”
Itinanggi ng suspek na hinalay niya ang biktima at sinabing ibinaba lamang niya ang pantalon ng estudyante upang iligaw ang mga imbestigador.
Samantala, humingi ng tawad ang suspek sa pamilya ng biktima at nanawagang huwag nang idamay ang kaniyang pamilya at iba pang pastor.
Matapos maisagawa ang krimen, sumakay umano ng barko ang biktima patungong Maynila.
Ayon sa suspek, nakilala niya ang biktima sa isang outreach program para sa mga katutubo sa Mindoro.
Samantala, sinabi ng tatay ng biktima na si Roden Gabayno, na walang nabanggit ang kanilang anak na may relasyon sila ng suspek.
Itinanggi niya ang alegasyon ng suspek na bina-blackmail siya ng biktima at naniniwala siyang hindi ang anak ang unang nagtangkang manaksak.
Wala rin umano siyang alam na buntis ang kaniyang anak.
Bagaman humingi ng tawad ang suspek, nais ng ama ng biktimang panagutan niya ang krimeng ginawa sa kaniyang anak.
Samantala, sinabi ni P/Lt. Col. Michael Caraggayan, hepe ng Calapan CPS, na hinihinatay nila ang resulta ng awtopsiya upang matukoy kung may katotohanang buntis ang biktima.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Calapan City Custodial Facility, habang inihahanda ang kasong murder na isasampa laban sa kaniya.
Nakaburol ang labi ng biktima sa kanilang bahay sa Brgy. Labonan, sa bayan ng Bongabong, sa nabanggit na lalawigan.
