Sa Intramuros, Maynila
Mahigit 100 imahen ng Birheng Maria, masisilayan sa 45th Grand Marian Procession, 06 Disyembre 2026

Grand Marian Procession

ni Teddy Brul

INAASAHAN na muling mapupuno ng mga deboto ang makulay na tradisyon ng makasaysayang mga lansangan ng Walled City sa unang Linggo ng huling buwan ng 2026 — sa 6 Disyembre. Ito’y pagdiriwang ng ika-45 taunang Grand Marian Procession sa Intramuros, Manila.

Ang malaking religious activity ay magkatuwang na pangangasiwaan ng Cofradía de la Inmaculada Concepción at ng Intramuros Administration. Inaasahang higit sa 100 imahen ng Mahal na Birhen, galing sa iba’t ibang parokya ng bansa, ang lalahok sa magarbong prusisyon.

Tampok sa pinakahuling bahagi ng prusisyon ang opisyal na host image ng buong pagdiriwang — ang Nuestra Señora de la Inmaculada Concepción – Mater Purísima, o mas kilala sa tawag na La Festejada. Siya ang nagsisilbing sentro at Reyna ng buong pambansang pagdiriwang na ito.

Ang imahen ng La Festejada ay permanenteng nanahan sa loob ng Museo de Intramuros nasa Arzobispo Street, Intramuros.

Ang natatanging imaheng ito ay gawa sa garing (ivory) at nakapaloob ito sa makapal na glass case.  Pag-aari ng pamahalaan ang La Festajada na pinangangasiwaan ng Intramuros Administration. Inilalabas sa museo ang imahen minsan sa isang taon tuwing gaganapin ang Grand Marian Procession kada unang Linggo ng Disyembre.

May malalim na kasaysayan ang La Festejada. Ipinagawa ito noong taong 1980 gamit ang isang antigong ulo at mga kamay na gawa sa garing upang palitan ang orihinal na imaheng Pransiskano na lubusang nasira at natupok ng apoy noong World War II.

Noong 7 Disyembre 1980, opisyal itong binasbasan sa Simbahan ng San Agustin. Ang pagbabasbas na ito ang naging hudyat ng muling pagkabuhay ng dantaong tradisyon ng marangyang prusisyong Marian sa loob ng Intramuros.

Ukol sa pinal na pagkakasunod-sunod o lineup ng mga karosa ay ilalabas ito ng mga organisador bago mag-Disyembre, marami nang parokya ang nagkompirma ng kanilang pagdalo. Isa sa mga inaabangan ay ang delegasyon mula sa Rehiyon ng Bicol.

Limang tanyag na imahen ng Birheng Maria mula sa Bicol ang darating sa Maynila, tatlo rito ay may parangal na “Episcopally Crowned”. Tiyak na aabangan ng mga deboto ang kanilang pagdating sa Intramuros.

Kabilang pa sa mga kompirmadong kalahok sa prusisyon ay ang Nuestra Señora la Divina Pastora de Bato mula sa Camarines Sur, Nuestra Señora de Guadalupe de Mexico (La Madre Peregrina), at ang Nuestra Señora de la Visitacion de Guibang mula sa Isabela Province.

Kasama sa prusisyon ang Nuestra Señora de la Divina Providencia de Payatas, Nuestra Señora del Santissimo Rosario de Pasig, Virgen de las Flores de Pasig, at Nuestra Señora del Sagrado Corazon de Brixton Hill, Quezon City.

Makikiisa sa parada ang tanyag na imahen ng La Inmaculada Concepción mula sa Diocesan Shrine and Parish of Immaculate Conception na matatagpuan sa Malabon.

Masisilayan ang mga karosa ng Nuestra Señora de las Flores de Bocaue, Nuestra Señora de la Consolacion y Correa de Paombong, Nuestra Señora del Santissimo Rosario de Hagonoy, at Nuestra Señora de Candelaria de Silang, Cavite.

Lalahok ang imahen ng Nuestra Señora del  Rosario – La Virgen de Mamatid nang kompirmahin kamakalawa ng Diocesan Shrine and Parish of San Vicente Ferrer, Brgy. Mamatid  Cabuyao City, Laguna.

Ipinaaalala ng mga tagapangalaga ng mga parokya na ang pagpapadala ng orihinal na milagrosong imahen o ng opisyal na replica nito ay nakadepende sa desisyon at pamamahala ng kani-kanilang simbahan.

Ang taunang pagtitipon ay hindi lamang simpleng pagpapakita ng malalim na pananampalatayang Katoliko ng mga Filipino. Ito rin ay isang buhay na paalala ng mayamang kasaysayan, kultura, at sining ng ating bansa na patuloy na nagbubuklod sa mga deboto taon-taon. (30)

TALA: Ang mga larawang kalakip ay nagmula sa pintakasiph.blogspot, episcopalPHL – IG at sa social media account ng mga parish church sa bansa.