NAGHAIN ng reklamo at hiniling ng isang private citizen sa Office of the President na nawa’y aksiyonan agad at panagutin ang isang kagawad ng Philippine National Police at empleyado ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sa liham na ipinadala ni Dorothy Joy Baylon Fanio sa Presidential Complaint Center, hiniling niya sa Tanggapan ng Pangulo na agad aksiyonan ang mga reklamong isinampa niya laban kina P/SSG Ericson Cardena Eco at John del Mundo gaya ng Grave Misconduct, Estafa, Abuse of Authority, at Alleged Interference in a Pending Case.
Si Fanio, isang private citizen na naninirahan sa Manila Southwoods, Brgy. Cabilang Baybay, Carmona, Cavite, ay una nang ng naghain administrative charges sa NAPOLCOM – Central Office. Kabilang sa mga kasong ito ang S.D. Case No. CO-2026-0128 (IMIS-PCI No. 2026-0128) para sa tatlong bilang na Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty, at Grave Irregularity in the Performance of Duty.
“I seek your Office’s oversight to ensure a swift, fair, and impartial investigation and to prevent any undue influence or protection of persons involved,” hiling ni Fanio sa kanyang liham.
Sa detalye, ang unang kasong Grave Misconduct/Estafa ay kinasasangkutan ng P100,000 cash.
Ang ikalawang Grave Misconduct/Estafa ay kinasangkutan ng iPhone 16 Pro Max na halagang P50,000.
Ang ikatlong Grave Misconduct/Estafa ay kinasasangkutan ng Toyota Fortuner G 2017 na nagkakahalaga ng P800,000.
Isinama ni Fanio sa asunto si Del Mundo, na ang pagkakaalam niya ay empleyado ng NAPOLCOM. Pinaghihinalaan ni Fanio na nakikialam si Del Mundo para maibasura ang mga reklamong inihain niya laban kay Eco.
Samantala, ang kasong Grave Irregularity & Grave Neglect of Duty ay dahil sa pag-aalok ng hindi awtorisadong serbisyo bilang private security/bodyguard kapalit ng kompensasyon.
Ngunit ayon kay Fanio, nang humiling siya ng police assistance noong Abril 2026 para sa kanyang personal na seguridad, nabigo si Eco na maglaan ng kaukulang tulong, malinaw na paglabag sa kanyang tungkulin bilang public officer.
Sa nasabing mga pangyayari, hiniling ni Fanio sa Tanggapan ng Pangulo na atasan ang PNP at NAPOLCOM na pabilisin ang proseso ng nakabinbing S.D. Case No. CO-2026-0128.
