BOC, NBI, DA, PCG iniimbestigahan ₱524.27-M agri products na natagpuan sa Valenzuela

BOC, NBI, DA, PCG iniimbestigahan ₱524.27-M agri products na natagpuan sa Valenzuela

BILANG bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na labanan ang agricultural smuggling at protektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, iniimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Agriculture (DA), at Philippine Coast Guard (PCG), ang tinatayang ₱524.27 milyong halaga ng mga produkto, karamihan ay agricultural commodities, na natagpuan sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Kasunod ng inspeksyon, naglabas ang BOC–Manila International Container Port (MICP), sa pamumuno ni District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV at alinsunod sa direktiba ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Nobyembre 9, 2026, matapos matukoy ang mga hindi pagkakatugma sa inventory at mga isinumiteng import documents.

Batay sa initial investigation, walang naisumiteng sapat na dokumento na nagpapatunay sa legal na importation ng mga produkto, pagbabayad ng tamang duties and taxes, at pagkakaroon ng mga kinakailangang permit mula sa DA. Natukoy rin na may humigit-kumulang 41,033 sako ng pulang sibuyas at iba pang produkto na hindi maitugma sa mga isinumiteng dokumento.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang BOC–Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng impormasyon mula sa NBI–National Capital Region noong Oktubre 7, 2026, tungkol sa posibleng pag-iimbak ng mga agricultural products na hindi sumusunod sa customs regulations.

Dahil dito, naglabas ang BOC ng Letter of Authority (LOA) noong Oktubre 9, 2026, alinsunod sa Sections 222 at 224 ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), upang magsagawa ng inspeksyon at inventory sa warehouse.

Sa isinagawang 100% physical inventory noong Oktubre 17, 2026, naitala ang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng ₱372.3 milyon, 20,886 sako ng beans at legumes na nagkakahalaga ng ₱103.7 milyon, at 18,016 kahon ng luya at carrots na nagkakahalaga ng ₱26 milyon.

Bukod dito, natagpuan din ang peanut products, textured vegetable protein, laundry bluing powder, packaging materials, at apat na forklift. Umabot sa ₱524,274,355 ang kabuuang estimated market value ng lahat ng produktong kasama sa operasyon.

Batay sa markings sa packaging, ang ilan sa mga produkto ay nagmula sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar, at Egypt. Gayunman, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilan pang produkto.

Pinangunahan ng CIIS-MICP, ang operasyon katuwang ang NBI, PCG, Enforcement and Security Service (ESS), at Formal Entry Division (FED). Nakipag-coordinate rin ang BOC sa DA at Bureau of Plant Industry (BPI), na nagrekomenda ng karagdagang verification sa mga sertipikong isinumite ng mga kinatawan ng warehouse.

Nananatiling secured at nasa ilalim ng customs guard ang mga produkto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinusuri rin ng BOC ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022, o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.

“Hindi sapat na basta may maipakitang dokumento. Kailangang malinaw kung saan nanggaling ang mga produkto, kung legal ang pagpasok ng mga ito sa bansa, at kung nabayaran ang tamang buwis. Kapag may nakitang paglabag, sisiguraduhin nating may mananagot. Hindi natin hahayaang malugi ang ating mga magsasaka dahil sa agricultural smuggling,” pahayag ni BOC Commissioner Nepomuceno.

Patuloy na paiigtingin ng BOC ang intelligence operations, warehouse inspections, at koordinasyon sa iba pang ahensya upang matukoy ang mga posibleng ilegal na agricultural imports, mapanagot ang mga lumalabag sa batas, at maprotektahan ang lokal na sektor ng agrikultura. (BONG SON)