PATAY ang isang dating opisyal ng bayan matapos siyang pagbabarilin ng ka-meet up na babae sa Brgy. Vega, Bongabon, Nueva Ecija dakong 10:30 ng umaga kamakalawa.
Kinilala ang biktima, na si Faustino Randy L. Reyes, 53-anyos, dating bise alkalde ng Naguillian, Isabela, residente sa Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.
Naaresto ng mga nagrespondeng pulis ang 32-anyos suspek, residente sa Brgy. Canantong, Laur, Nueva Ecija.
Ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office, napagkasunduan ng dalawa na magkita sa lugar kung saan naganap ang insidente.
Napag-alamang nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa matapos subukan ng suspek na bawiin ang kanyang cellphone na nasa pag-iingat ng biktima.
Nang tumangging isauli ng biktima ang cellphone, bumunot ng baril ang suspek at ilang ulit na pinaputukan na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.
Agad humingi ng tulong sa mga pulis ang mga residente at natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa loob ng kanyang pulang hatchback habang kusang sumuko ang suspek.
Patuloy na inaalam kung ano ang motibo sa pamamaril at kung anong kaugnayan ng suspek sa biktima.
Sa ngayon, ay nasa kustodiya ng Bongabon Municipal Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong murder. (MICKA BAUTISTA)
